Nation

PAGBASURA SA F2F CLASSES SUPORTADO NG SENADOR

/ 23 June 2021

PABOR si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag munang ituloy ang face-to-face classes sa gitna ng pagtaas ng kaso ng ‘Delta variant’ ng Covid19 sa bansa.

“Ako ay sumasang-ayon sa ating Pangulo dahil dito sa Delta variant. Itong Delta variant, nakapasok sa ating bansa, mas maganda nang mag-ingat muna tayo. Dahil kung makikita natin, bumubuti nga ang sitwasyon dito sa NCR, pero sa Vis-Min naman ay tumataas ang kaso,” pahayag ni Gatchalian.

“Kaya napakahirap sabihin at habang hindi pa natin nababakunahan ang marami sa ating mga kababayan, tingin ko ipagpaubaya muna natin itong School Year dahil patapos na itong School Year. Itong buwan ng June, patapos na ang School Year. Magbubukas ulit tayo by August, tingnan natin by August kung ano po ang sitwasyon natin,” dagdag ng senador.

Gayunman, sa pagtaya ni Gatchalian, maaari nang maibalik ang face-to-face classes kung nasa 40 hanggang 50 porsiyento na ng populasyon ang nabigyan na ng bakuna kontra Covid19.

“Tinitingnan ko kasi sa Amerika, 30 percent pa lang nagpa-party na sila. Makikita natin nagse-celebrate sila, 30 percent pa lang nagbubukas na sila. Sa obserbasyon ko, basta umabot na tayo, tingin ko sa atin ha, mga 40-50 percent ay puwede na tayong bumalik sa face-to-face,” diin ni Gatchalian.

Kasabay nito, nanawagan ang senador sa mga magulang at guro na agad nang magpabakuna kung may oportunidad habang hiniling din niya sa gobyerno na simulan na ang pagbabakuna sa mga teenager.

“Isa lang ang panawagan ko sa ating mga magulang at ating mga guro, magpabakuna na tayo at ‘wag na tayong mag-alinlangan, kung available na ang bakuna sa kanilang lokal na pamahalaan, magpabakuna na tayo dahil ‘yun lang talaga ang bukod tanging makakabalik tayo sa face-to-face classes,” sabi pa ng senador.

“At isa pang itinutulak din natin, sa lalong madaling panahon, mabakunahan na ang mga teenager. Maraming bansa ay binabakunahan na ang kanilang mga teenager dahil nga ‘yung mga teenager isa sa pinakamadaling mahawahan din o nahahawahan din sila.”