Nation

RESPONSABLE SA PALPAK NA MODULES PANAGUTIN — SPARK

/ 17 June 2021

IGINIIT ng Samahan ng Progresibong Kabataan na kailangang managot ang mga may kinalaman sa palpak na modules na ginagamit ng mga mag-aaral matapos na kumalat ang larawan ng tungkol sa bulgar na pagsasalarawan sa aswang sa isang printed learning material.

Ayon sa grupo, dapat repasuhin at higit na higpitan ang bidding process ng Department of Education at sibakin sa puwesto ang mga opisyal ng DepEd na nagpabaya at nagpalagpas sa mga mali sa module na gamit ng Grade 10 students sa Mabalacat, Pampanga, gayundin ang lahat ng mga pribadong indibidwal at kompanya na may kinalaman dito.

“Hindi lamang ito ang unang beses na may pagkakamali sa modules ng DepEd. Bagkus, isa lamang ito sa daan-daang reklamo ukol sa modular learning,” wika ni Justin Dizon, tagapagsalita ng SPARK para sa senior at junior high school students.

Ilan sa mga naunang reklamo na bumaha sa social media ay diskriminasyon, mga pangungusap na animo’y may politikong kinikilingan, at mga mala-aninong litrato na halos wala nang makita.

“Itong mga kamalian sa printed module ay maliit na bahagi lamang ng isang mas malaking problema — ang kapalpakan at kakulangan ng paghahanda ng sistema sa modular learning.” dagdag ni Dizon.

“Kung ano pa ang inaasahang makapagbibigay kaalaman sa aming mga estudyante ay siya pang kulang sa pagsusuri at pinal na rebyu.”

“Ang mga maling modules ay bahagi lamang ng kapalpakan ng iskemang distance learning; na minadali at lalong nagpahirap sa mga mag-aaral at kani-kanilang mga magulang. Manipestasyon din ito ng kawalan ng kalidad ng edukasyon sa panahon ng pandemya. Tanging interes lamang ng mga kapitalista-edukador at ng mga pribadong book printing companies ang kinikilingan ng DepEd,” giit ng SPARK.

“Kaya’ aming pinapanawagan ang agarang prosekusyon ng manunulat at mga tagapaglathala ng mga nasabing learning materials. Dagdag pa rito, higit na dapat managot si [Education] Secretary Leonor Briones sa kanyang pagpapabaya sa inaasahang dekalidad na edukasyon sa gitna ng pandemya,” dagdag ni Dizon.