PAGBASA TUTUTUKAN HANGGANG SA BLENDED LEARNING – DEPED
BUMUO ang Kagawaran ng Edukasyon ng isang Technical Working Committee na mangunguna sa pagrerebyu, pag-aanalisa at pagkokrosis ng mga materyal pampaguturo sa pagbasa o reading comprehension.
Iniulat ito ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Sustainable Development.
Ayon kay Malaluan, hindi dapat mapigil ng pandemya ang layon ng kagawaran na mapataas ang marka ng mga Filipino sa Programme for International Student kaya ang reading comprehension ay patuloy pang patatatagin.
Magugunitang kulelat ang Filipinas sa resulta ng PISA 2018. Ang average score ng bansa na 340 ay mas mababa pa sa global average na 487. Lumalabas sa datos na mababa ang lebel ng pag-intindi ng mga Filipino sa mga babasahin sa loob at labas ng paaralan.
Depensa ni Malaluan, marunong namang magbasa ang mga mag-aaral. Kailangan lamang nila ng tutok sa mas mataas na antas ng reading skills at critical thinking.
Imamapa ng TWC ang kasalukuyang K-12 kurikulum at sa rebisadong most essential learning competencies.
Sa ganitong paraan ay makikita kung ano ang pinakaangkop na hakbang na dapat gawin ng DepEd upang mapataas ang PISA score ng bansa.
Bagaman suspendido ang 2020 test sa Marso 2021 ay lalahok pa rin ang Filipinas sa PISA 2022.
Sa panahong ito ay inaasahan na tataas ang world ranking ng Filipinas.