Nation

SOLON SA DEPED, CHED: MENTAL HEALTH SERVICES SA MGA UNIBERSIDAD AT KOLEHIYO PALAKASIN

/ 12 June 2021

HINIMOK ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago ang Department of Education, Commission on Higher Education at iba pang kaugnay na ahensiya na bumalangkas ng mga istratehiya upang palakasin ang mental health services sa mga unibersidad at kolehiyo.

Sa kanyang House Resolution 1816, sinabi ni Elago na dahil sa Covid19 pandemic, naoobliga ang mga estudyante na mag-shift sa online-based o module-based mode of learning.

“Students found the new mode of learning more tedious and more difficult, and have caused others to be utterly frustrated,” pahayag ni Elago sa kanyang resolution.

Binigyang-diin ni Elago na marami sa mga estudyante ang napipilitan ding maghanap ng trabaho upang matustusan ang kanilang pag-aaral.

Dahil din sa kakaibang sistema, maraming estudyante ang nakararanas ng anxiety dulot ng kakulangan sa kakayahan at kapabilidad.

“The overall climate produced by this Covid19 pandemic has not been conducive to learning and have caused the students’ mental health to deteriorate,” diin pa ni Elago.

Sa datos, sa panahon ng pandemya, tumaas ng 25.7 porsiyento ang mga kaso ng suicide na umabot sa 3,529.

Dahil dito, iginiit ni Elago na mahalagang magkaroon na ng intervention ang gobyerno upang mapangalagaan ang mental health ng mga kabataan.