PASIG SCHOOLS HANDA NA SA F2F CLASSES
NAKAHANDA ang lungsod ng Pasig sakaling bumalik na sa face-to-face classes ang bansa.
Ayon kay Pasig Mayor Vico Sotto, natapos na ng lokal na pamahalaan ang pagkukumpuni sa mga sirang silid-aralan at nakapagpatayo na rin ng mga bagong paaralan sa lungsod.
Sa kanyang Facebook Live Lunes ng umaga, inanunsiyo ng alkalde na natapos na ang konstruksiyon ng 16-classroom Senior High School building sa Barangay Buting.
“Naghati po kami ni Cong. Roman [Romulo] ‘yung mga repairs (major man o minor) LGU ang gumawa nun. Ngayon natapos na rin. Lahat ng paaralan natin na-renovate na. Doon naman sa mga bagong gusali, through Cong. Roman ay pinasok natin sa budget ng DPWH [Department of Public Works and Highways] ‘yun. So, ngayon nagsisimula nang ma-inaugurate ‘yung mga bagong buildings na ‘yun,” sabi ni Sotto.
“Kailangan ready tayo sa pagbukas ng face-to-face classes. Although lahat ng puwede nating gawin para makatulong sa mga mag-aaral ay ginagawa naman po natin ‘yun. Pero sa dulo kailangan talaga nating bumalik sa face-to-face classes kung ligtas na at kung sasabihin na ng national government na puwede nang bumalik sa face-to-face classes. Kailangan po talaga kasi hirap na hirap po talaga ‘yung mga mag-aaral. Ang goal natin bumalik na tayo sa face-to-face pero magagawa lang natin ‘yan kung bababa nang husto ang kaso ng Covid19,” dagdag pa ng alkalde.