Nation

PAG-AMYENDA SA UP CHARTER APRUBADO SA HOUSE COMMITTEE

/ 3 June 2021

SA KABILA ng mariing pagtutol ng Department of National Defense, inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang binalangkas nilang substitute bill para sa pagpapalakas ng University of the Philippines charter.

Sa virtual hearing na pinangunahan ni Cong. Mark Go, inaprubahan ng komite ang substitute bill para sa House Bills 8437, 8514 at 8545 na nagsusulong ng pag-amyenda sa Republic Act 9500 o ang UP Charter of 2008 para sa institutionalization ng 1989 UP-DND Accord sa Charter.

Sa pagdinig, iginiit ni Atty. Norman  Daanoy, Chief of the Legal Affairs Service ng DND, na tutol ang kagawaran sa panukala dahil labag ito sa Konstitusyon.

Partikular na tinututulan ni Daanoy ang probisyon sa panukala na nagsasaad na kailangan munang ipaalam sa UP President o Chancellor o sa ibang opisyal ang anumang implementasyon ng search warrant o warrant of arrest sa loob ng campus ng unibersidad.

“Simple lang naman kapag nag-isyu ng warrant of arrest ang judge, kailangan pa bang maraming proseso? Hindi ka puwedeng magpasa ng batas providing limitations in the enforcement of warrant of arrest,” sabi ni Daanoy.

“We are not supportive of the entire bill,” dagdag pa ni Daanoy.

Iginiit naman ni Cong. Rufus Rodriguez na ang probisyon sa panukala ay para lamang sa simpleng ‘notification’ sa mga opisyal ng UP bago ipatupad ang anumang warrant.

Nagkasundo naman ang mga kongresista na tanggalin ang pananalitang UP Police sa panukala at palitan ito ng UP Campus Security Group.