Region

KLASE SA ILANG PROBINSYA SA REGION 8, CARAGA, PARALISADO KAY ‘DANTE’

/ 2 June 2021

Bunsod ng pananalasa ng bagyong Dante, ipinag-utos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na suspendihin muna ang trabaho at klase sa lahat ng antas sa tatlong lalawigan at isang lungsod sa Region 8, at isang lalawigan sa Caraga o Region 13.

Tinukoy ng NDRRMC ang mga apektadong lalawigan na Northern Samar, Eastern Samar at Southern Leyte at Tacloban City sa Eastern Visayas o Region 8,  habang sa Caraga ay ang Tandag City sa Surigao del Sur.

Ang pananalasa ng bagyong Dante ay nagdulot ng malawakang pagbaha sa nabanggit na mga lugar habang nagkaroon din ng paminsan-minsang pagkawala ng suplay ng koryente kaya minabuting suspendihin ang klase roon at maging ang pagpasok sa trabaho.

Ayon sa NDRRMC, mas mahalaga ang buhay kaya pinaalalahanan ang mga residente roon na mag-ingat.

Sa bulletin ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, hanggang alas-3 ng hapon, Hunyo 2, ang sentro ng bagyong Dante na may international name na CHOI-WAN ay nasa bisinidad ng Victoria, Oriental Mindoro na may lakas ng hangin na 65 km/h malapit sa gitna at may bugsong umaabot sa 90 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras habang inaasahang bukas, Hunyo 3, ay nasa Northern Luzon na ito.