KATHANG-ISIP
Tunay na mundo’y aking tinatakasan, upang hapdi at pighati ay akin ng makalimutan.
Maraming gustong tumakas sa totoong mundong kanilang kinalakihan. Patuloy na lumilikha ng sariling mundo na sila lang ang nakakaalam. Ang iba’y hindi alam kung paano ito sisimulan. Subalit may mangilan-ilang pinagpala ng kakayahan upang ito’y takasan. Ipikit ang iyong mga mata at atin nang simulan ang paglalakabay patungo sa mundong binuo ng ating mapaglarong isipan, lucid dreaming.
Sa murang edad pa lamang na labing anim, masyado nang magulo ang aking isipan. Maraming boses akong paulit-ulit na naririnig. Maraming pangyayaring pilit kong kinukubli. At madaming bagay ang ayaw kong mangyari. Ang mga iniisip kong ito ang siya ring nag-uumpisa ng digmaan laban din sa aking mismong sarili. Ngunit sa isang pitik ko lamang, ang lahat nang itoy aking natatakasan. Ito ay sa pamamagitan ng lucid dreaming. Maaari nitong lunasan ang depresyon at bangungot na aking nararamdaman. Maitatayo nito ang mga tao sa kasadlakan hindi lamang ako, kundi pati na ang mga taong matututo kung paano kontrolin ang kanilang mga panaginip.
Gabi ng pagkakahimbing, suntok sa hangin.
Mula sa mahimbing na pagkakatulog ay nakarinig si Inteng ng hikbi ng isang babae. Mahina ngunit sapat na upang magdala ng lungkot sa madilim na paligid dulot ng paglalaban ng nagngangalit na sinag ng araw at nagmumultong lagim ng gabi. Lumalamig na ang simoy ng hangin. Sapat na upang magtayuan ang kanyang mga balahibo. Ito’y unti- unti niyang nilapitan nang may marinig siyang sigaw at kalampog mula sa malayo at madilim na sulok ng kanilang bahay.
“Tanghali na!” bigkas ng kanyang ina kasabay ng sunod-sunod na pagkatok nito sa pintuan ng kanyang silid. Batid ni Inteng ang bawat pangyayari. Ngunit kung ilalarawan lamang ang kaniyang sitwasyon, siya ngayon ay kalahating tulog at kalahating gising, at nakararanas ng “lucid dream” o namamalayang pananaginip kung tawagin.
Taong Dalawang libo, labing dalawa (2012), nagsagawa ng pagsusuri ang siyentipiko tungkol sa lucid dreaming sa pamamagitan ng Functional Magnetic Resonance Imaging (FMRI). Ang paggana ng (FMRI) ay sumusukat sa aktibidad ng utak sa pamamagitan ng pag-detect ng mga pagbabago na nauugnay sa daloy ng dugo. Ang pamamaraan na ito ay nakasalalay sa katotohanan na ang daloy ng dugo ng serebral at neuronal activation ay kaisa. Kapag ginagamit ang isang lugar ng utak, dumadaloy din ang dugo sa rehiyon na iyon.
Ayon sa mga siyentipiko, kapag natutulog ka, ang iyong utak ay nag-iikot sa pamamagitan ng Rapid Eye Movement (REM) at non-REM na pagtulog. Ang non-REM na pagtulog ay may kasamang tatlong magkakahiwalay na yugto. Sa panahon ng non-REM, bumabagal ang iyong utak, tibok ng puso, at paggalaw ng mata. Samantalang sa REM, ang iyong utak ay sobrang aktibo. Tumataas ang rate ng puso at pati na rin ng paggalaw ng iyong mga mata. Ang lucid dreaming ay karaniwang nangyayari sa panahon ng pagtulog ng REM. Sa lucid dream alam mong ikaw ay nanaginip at ikaw ay may kamalayan ukol dito.
Ayon pa sa mga siyentipiko, mga bata ang karaniwang nakakagawa nito sa kadahilanang mas aktibo ang utak ng mga ito katulad ko. Tinawag pa nga itong therapeutic dahil sa kakayahang makapagpagaling ng mga sakit na may kinalaman sa pag-iisip ng tao.
Ang lucid dreaming ay nakakatulong din sa paglaban sa dumadaming kaso ng depresyon sa henerasyon ngayon. Sa tulong nito, makakagawa ng mga bagay na minsa’y imposible sa tunay na buhay. Ngunit hindi rin biro ang panaginip na ito. Kailangan ng ensayo kung paano ito magagawa. Kailangan na bago matulog ay paulit-ulit sabihin na kokontrolin mo ang iyong panaginip upang sa ganon ay magiging pokus ang iyong utak sa gusto mong mangyari kapag natutulog na. Dahil dito, pansamantalang makakalimutan ang kalupitan ng sanlibutan, diskriminasyon sa mundong ating ginagalawan, mga matang nagmamasid at inaantay ang iyong pagkakamali, mga taong mapanghusgang walang ginawa kundi bilangin ang iyong pagkakamali kaysa sa nagawa mong mabuti at ang mapang-alipustang mundong nagdudulot ng depresyon ay atin nang iwaksi. Ngunit ang lahat ay may hangganan. Ito’y hanggang panaginip lamang. Lahat ng sobra’y masama, maaari itong magdulot ng hindi maganda tulad ng sakit sa utak at kakulangan sa tulog na hindi maganda sa ating kalusugan. Iyo ng imulat ang mga mata at damhin ang pakiramdam ng buhay.
Bumuo ng panibagong alaala na magbibigay satin ng saya at kulay.
Maganda ang mabuhay sa panaginip, ngunit mas magandang mabuhay sa labas ng panaginip. Huwag makampante sa ilaw na binibigay ng panaginip, sapagkat may sarili kang liwanag na magbibigay daan upang mabago ang buhay mo.
Umaga ng kaliwanagan, pagmulat at kakalasan.
Nagising si Inteng dahil sa isang malakas na kalampag. Pinalis nya ang butil ng mga luha sa kanyang mga mata. Batid nyang hanggang dun na lang ang kanilang pag-iibigan, sapagkat alam nyang ito’y kathang – isip lamang at ang babae sa kanyang panaginip ay mananatili nalang na matamis na alaala. Minulat niya ang kanyang mga mata na namamaga pa, tanaw ang isang babaeng nakatayo sa kanyang harapan na nalilisik ang mga mata dahil sa kanyang kabagalan.
Pilit niyang inaalala ang binuo nilang pag-iibigan habang nakatingin sa malayo. Mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi, habang hinihiling na sana’y hindi na lang siya nagising sa magandang panaginip na kanyang binuo. Ang pag-iibigan nilay nag-wakas na. Sapagkat ang kanilang pagmamahalan ay hindi pwede. Dahil sila’y nasa magkaibang panahon, oras at ang babaeng kanyang sinisinta ay nasa panaginip na kung saan hindi pwede magtagpo ang kanilang mga landas. Tapos na, hanggang dito na lamang…
Sa pagmulat ng iyong mga mata, pilit mong inaalala at kinakapa ang mga masasayang alaalang binuo mo sa malaparaiso mong mundo. Wala na. Lumisan na. Ako’y naiwang muli sa reyalidad ng mundong totoo. Tila patalim na isinaksak sa aking puso na hanggang dito na lamang “Ako’y gigising na, sa panaginip kong ito at sa wakas ay kusang lalayo sa iyo.”