Nation

LIBRENG TABLET SA MGA ESTUDYANTENG PASIGUENO

/ 3 August 2020

UPANG masiguro na maayos ang serbisyo at produkto nito, binusisi ng mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) ng lokal na pamahalaan ng Pasig ang lowest bidder sa proyektong libreng tablet para sa lahat ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa lungsod.

Sa ginawang pagsusuri, inalam ang teknikal na aspeto ng produkto kasama na ang kakayahan ng kompanya na mai-deliver nito ang 138,000 pirasong tablet sa tamang panahon.

Subalit nilinaw ni Dr. Stuart Santos, Vice Chairman ng BAC, na hindi ito nangangahulugan na ang lowest bidder ay awtomatikong makakakuha ng nasabing proyekto.

“Kailangan pa rin nating busisiin ang kompanya kung may kakayahan ba ito na makapag-supply ng ganun kadaming unit. Ngunit ang pinakamahalaga ay nakaabot sila sa requirements ng specifications na kailangan natin para sa maayos na paggamit ng mga estudyanteng Pasigueño,” sabi ni Santos.

Sa post-qualification review, binigyang-diin ni Gilbert Malcolm, miyembro ng TWG, na kailangan nilang tingnan kung pasado ba sa requirement ang item na gustong bilhin ng lokal na pamahalaan. Binigyang-diin niya na kailangan nilang i-match ang actual item sa specification na inilatag.

“Kailangan din nilang mai-deliver ang nasabing item based sa 45-days delivery term at kailangan nilang i-comply within the first 15 calendar days ang 30% ng kabuuang napanalunang award sa tablet, ang then the rest of the delivery ay makumpleto nila hanggang sa ma-meet ang 45 days,” pahayag ni Malcom.

Ayon naman kay Roberto Osorio, isa pang miyembro ng TWG, isa rin sa kailangan nilang tingnan ay ang may kinalaman sa after-sales nito o serbisyong kailangang gawin ng kompanya sakaling magkaproblema o masira pa nga ang mga unit.

“Kung talagang maayos ‘yong produkto mo, most likely 5-10 percent ang puwedeng masira. Hindi puwedeng walang masisira. Pagka-dispalenghado, kalahati niyan, o kaya sobra-sobra pa sa kalahati. Tinanong ko rin sila na halimbawa na lang 13,000 ang nasira, ilan ang service center ninyo rito 5, at kung hahati-hatiin natin sa lima ay libo-libo pa rin (ang pupunta sa center). Labag na tayo sa social distancing niyan,” ani Osorio.

Ang RedDot Imaging Philippines ang lowest bidder na kompanya sa ginanap na live bidding process kamakailan at batay sa ipinakita nilang unit, ito ay may tatak na Coby.

Napag-alaman na ang Coby Electronics Corporation, na gumagawa ng Coby brand na tablet, ay nagsara noong 2013 dahil sa problemang pinansiyal.

Ang nasabing brand ay may huling product review sa YugaTech, isa sa mga kinikilala pagdating sa gadget review sa online, noong 2012 at 2013 lamang.