MED STUDENTS NANAWAGAN NA UNAHIN SA PONDO ANG HEALTH SECTORS
MAKARAANG masunog ang bahagi ng Philippine General Hospital sa Maynila, iginiit ng isang medical students group na dapat unahin ng pamahalaan ang pagpopondo sa health sector na frontliner sa paglaban sa pandemya dulot ng Covid19.
Ayon sa Philippine Medical Students’ Association, ang pagkasunog ng state hospital ay dapat pagtuunan ng pansin lalo na’t ito ang pinakamalaking Covid19 referral hospital sa bansa. i
May ulat na tumatanggap na ng donasyon ang ospital subalit para sa grupo ay dapat nang tustusan ng pamahalaan ang kailangan ng pagamutan na ang makikinabang naman ay ang mga pasyente.
Giit pa ng PMSA na sa halip na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ang health care system dapat ang pinopondohan ng bilyong pido dahil nahaharap ang bansa sa health crisis.
Sa record, tinapyasan ng pamahalaan ng P31 billion ang pondo para sa health noong 2017 at P10 bilyon naman noong 2020.
“We have no one else to blame for the unfortunate incident at PGH and the country’s failed pandemic response but this government with whom the cries of the people fall on deaf ears,” ayon sa PMSA.
Pinuri naman ng medical students group ang mga doktor, nurses, nursing assistant, security guards, PGH personnel at firefighters na nagligtas sa mga pasyente at bantay ng mga ito sa kasagsagan ng sunog.