844 EDITOR SA FILIPINO-REHIYON 5 DUMALO SA WEBINAR SA OP AT MMP
DINALUHAN ng humigit-kumulang 844 kalahok mula sa 13 Dibisyon ng Rehiyon 5 ang idinaos na Webinar sa Ortograpiyang Pambansa at Manwal sa Masinop na Pagsulat noong Abril 28-29, 2021.
Ang mga kalahok ay kinabibilangan ng mga editor, manunulat at mga gurong nag-eedit ng mga modyul na binubuo ng iba’t ibang Learning Areas tulad ng Araling Panlipunan (AP), Music, Arts, Physical Ecucation at Health (MAPEH), Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP), at Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP) at iba pang manunulat at editor ng mga kagamitang pampagtuturo na ang midyum na ginamit ay wikang Filipino.
Nagbigay ng mensahe ang mga opisyal ng Panrehiyong Kagawaran ng Edukasyon tulad nina Dr. Socorro V. Dela Rosa; Tagapamanihala, Lungsod Tabaco; Dr. Gilbert T. Sadsad, Panrehiyong Direktor, Rehiyong Bikol; Dr. Ranilo Al K. Firno, Kawaksing Panrehiyong Direktor, Rehiyong 5 at Francisco B. Bulalacaw Jr., Puno ng CLMD.
Sa unang araw, tinalakay ni G. Roy Rene Cagalingan, Senior Language Researcher ng Sangay ng Araling Kultural at Literatura, ang paksang Ortograpiyang Pambansa at ang Masinop na Pagsulat ay tinalakay naman ni Dr. Jose Evie Duclay ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa ikalawang araw ng Komisyon sa Wikang Filipino
Naging malaking oportunidad at kaalaman sa mga kalahok na nag-eedit ng mga module at kagamitang pampagtuturo sa iba’ tbang learning areas na ang midyum ng pagtuturo ay Filipino hinggil sa Ortograpiyang Pambansa para sa estandardisasyon ng pagbaybay, gamit ang Alpabetong Filipino at ang kahalagahan ng masinop na pagsulat sa Filipino na maaaring gabay nila sa pag-eedit tungo sa intelektuwalisasyon ng wika. Masigla ang partisipasyon ng mga kalahok sa malayang talakayan at pagsasanay.
Sa ikalawang araw bago matapos ang webinar, pinamunuan naman ni Komisyoner Carmelita Abdurahman, Fultaym Komisyoner ng KWF ang Panunumpa sa Katungkulan ng mga opisyal ng nabuong Panrehiyon at Pansangay na Lupon sa Editor. Layunin nitong mapalakas ang ugnayan at network ng mga editor sa Rehiyon 5 at sa KWF tungo sa maayos at nagkakaisang pagtugon sa mga isyu at suliraning pangwika at pagpapaunlad ng Filipino.