Campus

FILEMON LIZAN SENIOR HIGH SCHOOL TULOY SA PAGHAHANDA NG MGA NAVOBOX KAHIT NAURONG ANG PASUKAN

/ 19 August 2020

PINANGUNGUNAHAN ni Dr. Rico Tarectecan, punong guro ng Filemon Lizan Senior High School sa Navotas, ang patuloy na paghahanda ng mga materyales pampagtuturo kahit na nauna  nang ianunsiyo ang pag-uurong ng pagbubukas ng klase sa Oktubre 5 mula Agosto 24.

Kasama sa paghahandang ito ang pagtanggap, pagsasaayos, at pagpaparami pa ng mga Navotas School-in-a-Box o NavoBox Learning Kits na hatid ng Schools Division Office at ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas.

Naglalaman ang NavoBox ng mga libro, self-learning modules, activity sheets, at school supplies na libreng matatanggap ng lahat ng mga bata.

Ang proyektong ito ang tugon ng SDO sa resulta ng kanilang sarbey na malaking porsiyento ng mga Navoteno ang walang internet at walang gadget na magagamit sa darating na pasukan.

NavoBox din ang proyektong magpapataas ng kakisigan ng mga magulang na i-enroll ang kanilang mga anak dahil makapag-aaral silang walang iniisip na gastos sa internet at kompiyuter.

Nitong Sabado lamang ay buong puwersa si Tarectecan at ang kasama niyang mga kawani na pumasok sa paaralan sa harap  ng banta ng papalalang kaso ng Covid19 sa lungsod. Isinaayos nila ang mga dokumento at ang kaukulang lohistikang makapagpapabilis sa paghahatid ng mga NavoBox sa mga mag-aaral ng isa sa mga nangungunang pampublikong senior high school sa Filipinas.

Kasabay nito’y matagumpay na natapos ng FLSHS ang simulasyon ng distance learning noong Agosto 3-7, na ibinidang SDO Navotas sa kanilang Handang Isip, Handang Bukas AVP Documentation.

Hindi alintana ng mga guro ang panganib na mahawahan ng virus, basta ang labang kanilang susuungin ay para sa mga mag-aaral na itinuturing nilang sarili na ring mga anak.