PAGTATAYO NG PMMA EXTENSION CAMPUS SA CAGAYAN DE ORO CITY LUSOT NA SA KAMARA
LALAWAK pa ang posibleng mabibigyan ng oportunidad ng Philippine Merchant Marine Academy para sa dekalidad na edukasyon sa Mindanao kung maisasabatas ang panukala para sa pagdaragdag nito ng campus.
Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House BIll 7693 o ang proposed Philipppine Merchant Marine Academy-Cagayan de Oro City Campus Act, na iniakda nina Reps. Rufus Rodriguez, Mark Go at Eric Go Yap.
Ipinaliwanag ng mga kongresista na ang PMMA ang natatanging government maritime hiher education institution para sa merchant marine officers.
Sinabi ni Rodriguez na malaking hamon sa bansa kung paano matutugunan ang tumataas na demand sa merchant marine officers.
“It is about time for PMMA’s expansion to the whole country through the estabalishment of a campus in the Visayas and Mindanao. Expansion in Visayas and Mindanao will make free quality maritime education accessible to people with less opportunity to this kind of education,” pahayag ni Rodriguez sa explanatory note.
Batay sa datos, dahil nasa Metro Manila ang akademya, mula 2015 hanggang 2019, karamihan sa mga pumapasok sa PMMA ay mula sa Luzon at iilan lamang ang mula sa Visayas at Mindanao.
Iginiit ng mga kongresista na kung magkakaroon ng extension campus sa bahagi ng Cagayan de Oro ay mas marami ang mabibigyan ng pagkakataong makapasok.
Naisumite na sa Senado ang inaprubahang panukala para sa kaukulang aksiyon ng mga senador.