Region

MGA ISKOLAR NG BULACAN TUMANGGAP NG FINANCIAL AID

/ 6 May 2021

UPANG maibsan ang nararanasang hirap dulot ng pandemya, binigyan ng ayudang pinansiyal ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang mga iskolar ng lalawigan.

Una munang humingi ng pahintulot si Fernando sa National Task Force on COVID-19 at sa Commission on Higher Education para isagawa ang face-to-face gathering na may limitadong attendees at mahigpit na pagsunod sa health protocols upang kanyang personal na ibigay ang cash aid sa mga piling mag-aaral.

Noong Mayo 4 ay isinagawa ang turnover ceremony sa Capitol Gymnasium sa Malolos City.

Sa kanyang mensahe, tiniyak ng gobernador  na hindi mapuputol ng pandemya ang karunungan ng mga Bulakenyong mag-aaral na benepisyaryo ng pinansiyal na tulong.

Nasa 120 iskolar mula sa 12,000 mag-aaral ang tumanggap ng tulong pinansiyal kay  Fernando.

Nabatid na makatatanggap ng tig-P3,500 ang mga nasa kolehiyo sa bawat semestre.

Ang mga kukuha ng Board Exams at masteral degree ay bibigyan naman ng tig-P5,000.

Habang ang mga estudyante na nasa kolehiyo na napanatili ang gradong 1.5 ay makatatangap ng tig-P5,000.

Maging ang mga mag-aaral sa senior high school — pribado at pampubliko —  ay makatatanggap ng tig-P3,000 na allowance.

Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Fernando ang mga iskolar na pagbutihin ang kanilang pag-aaral upang makamit nila ang inaasam na pangarap at magandang kinabukasan.