SY 2021-2022 TARGET BUKSAN SA AGOSTO 23
PLANO ng Department of Education na buksan ang School Year 2021-2022 sa Agosto 23.
Ayon sa DepEd, mapapaikli ang bakasyon ng mga estudyante dahil matatapos ang SY 2020-2021 sa Hulyo 10.
“Ang napag-usapan natin ay July 10 matatapos at kung hindi mabago, August 23 magbubukas. So, halos 6 na linggo ‘yong break sa pagitan ng 2 school year,” wika ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio.
“Parang 2 weeks lang naman shorter, dating 2 months kasi pandemya naman. Sana hindi na siya mahirap para sa marami,” dagdag pa ni San Antonio.
Pinag-aaralan din ng ahensiya ang paminsan-minsan na pagpunta ng mga estudyante sa eskuwelahan.
“Iyong ideal scenario namin, papayagan na ang mga bata na magpunta sa school, kahit paminsan-minsan. May pinaghahandaan din kaming istratehiya para diyan,” sabi pa niya.
Kasalukuyang nasa distance learning ang mga estudyante dahil sa pandemya.