Nation

SOON-TO-BE HEALTH PROFESSIONALS IPINASASAMA SA COVID19 VAX PRIORITY LIST

/ 28 April 2021

IPINASASAMA na rin ni Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Covid19 vaccination priority list ang mga soon-to-be health professional.

Partikular na nais maisama ni Go sa listahan ng mga bibigyang prayoridad sa bakuna ang mga kukuha ng licensure examination ngayong taon.

Binigyang-diin ng senador na kailangang gumawa ng mga hakbangin upang malunasan ang kakapusan ng healthcare professionals sa bansa sa gitna ng laban sa Covid19 pandemic.

“Hirap na hirap na po ang ating mga doktor, nars, at iba pang health workers. Kailangan na talagang madagdagan sila. Marami po riyan na nagsitapos na ng pag-aaral at kinakailangan na lang pumasa ng board exam para maging ganap na health professional. Gawin na natin ang kailangan para matulungan sila at matulungan din ang kapwa nila health workers sa paglaban sa Covid19,” pahayag ng senador.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Go ang mga lokal na pamahalaan at mga awtoridad na sundin ang order of priority sa pagbabakuna.

“Unahin natin ang mga dapat talagang mabakunahan. Walang pa-VIP dapat. May rason kung bakit natin inuuna ang health workers, frontliners, senior citizens, at ‘yung mga may comorbidity. Darating din tayo sa essential sectors at uunahin din natin ang mga mahihirap na kailangang lumabas ng bahay para mabuhay,” paliwanag ng senador.

“Sumunod tayo sa patakaran para mas mabilis tayong makabalik sa normal na pamumuhay. Huwag nating unahan ang mga dapat talagang mabakunahan muna,” dagdag pa ng mambabatas.