CASH AID SA COLLEGE STUDENTS IPAMAMAHAGI NA NG CAVITE CITY
INANUNSIYO ng lokal na pamahalaan ng Cavite City ang pamamahagi ng ayuda sa mga college student para sa kanilang edukasyon.
Ito ay sa ilalim ng programang “Tulong Pinansiyal para sa Edukasyon sa panahon ng Pandemya.”
Layunin ng programa na maibsan ang kahirapan sa pag-aaral ng mga estudyante ngayong nasa gitna ng pandemya ang buong bansa.
“Ito ay suporta ng pamahalaan sa mga college student na naninirahan sa ating lungsod na lubha ring naapektuhan ng pandemya,” nakasaad sa Facebook page ng lokal na pamahalaan.
Ang mga estudyante ay maaaring magtungo sa Aksyon Center sa tapat ng San Roque Church dala ang mga requirements at batay sa iskedyul.
Mahigpit na ipatutupad ang basic health protocols sa panahon ng registration at pagbibigay ayuda sa unang linggo ng Mayo.
Para sa requirements at iba pang detalye ukol sa programa, maaaring bisitahin ang kanilang official Facebook page.