Nation

SOLON SA DEPED: PAGPAHINGAHIN NAMAN ANG MGA GURO

/ 25 April 2021

MULING kinalampag ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education upang ilabas ang guidelines para sa Proportional Vacation Pay sa mga guro.

Ipinaalala ni Castro na sa bagong school calendar bunsod ng Covid19 pandemic, aabot sa 77 araw ang overtime ng mga guro.

“Nasaan na po ‘yung guidelines ninyo sa PVP?” tanong ni Castro.

“Pagpahingahin ninyo naman ‘yung mga teachers. 77 days na mag-overtime ang mga teachers kung hanggang July 11 pa ang sinasabi nating end ng school year na ito. Iyon po ang dapat na atupagin,” dagdag ng kongresista.

Muli ring binalaan ng mambabas ang DepEd sa isinasagawang profiling sa mga guro.

“Binabalaan natin ang Department of Education sa kanilang profiling na ginagawa sa ating mga guro at nire-reiterate natin itong mga karapatan ng ating mga guro para pumili ng kanilang organisasyon na magsisilbi sa kanilang kapakanan at ang karapatan sa pag-uunyon ay muli nating nire-reiterate,” giit ng kongresista.

Tiniyak pa ng mambabatas na nakahanda ang iba’t ibang samahan ng mga guro para sa diyalogo sa DepEd.

“Kung gusto nilang makipag-dialogue, matagal na pong nanghihingi ng dialogue ang Alliance of Concerned Teachers sa Department of Education pero ni isa ay hindi pinagbiyan nitong mga nakalipas na panahon. Kaya itigil ninyo na po itong mga profiling, sa halip po ay tugunan ang pangangailangan ng ating mga teachers,” sabi pa ni Castro.

Samantala, sinamahan ni Castro sa paghain ng kanilang reklamo sa Commission on Human Rights ang public school teachers, health workers, at iba pang government employees na naging biktima ng red-tagging, threats, at harassment sa pamamagitan ng profiling at ib pang ilegal na kilos.

Kabilang sa complainants ang iba’t ibang regional teachers’ unions sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers, employees union sa ilalim ng Alliance of Health Workers, at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees.