NURSING EDUCATION PROGRAM PINAAAMYENDAHAN
BILANG tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mas maayos na nursing law, apat na panukalang batas ang magkakahiwalay na inihain ng kabuuang 31 kongresista.
Ang House Bill nos. 7265, 7281, 7289 at 7344 ay pawang nagsusulong ng advanced nursing education program upang iangat ang estado ng bansa sa pagkakaroon ng mga lider, eksperto at awtoridad sa larangan ng nursing.
Unang inihain ang House Bill 7265 ni Cong. Rufus Rodriguez habang ang House Bill 7281 ay iniakda ni Cong. Luis Raymund Villafuerte at ang House Bill 7289 ay isinulat ni Cong. Joy Myra Tambunting.
Pinangunahan naman ni House Majority Leader Leyte Rep. Martin Romualdez at asawang si Tingog Sinirangan Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez, kasama ang 26 pang kongresista, ang paghahain ng House Bill No. 7344 o ang proposed Advanced Nursing Education Act to amend certain provisions of the Philippine Nursing Act of 2002.
Sa mga panukala, iginiit ng mga mambabatas na bagama’t kinikilala sa iba’t ibang bansa ang kapabilidad at kasanayan ng mga Filipino nurse, kailangan pa rin ng improvement sa nursing education.
“The education programs employed by our local nursing educational institutions seem to focus merely on producing graduates without taking into account future educational opportunities for nurses for further education and advance programs,” pahayag ni Rodriguez sa kanyang explanatory note.
“Too much emphasis has been placed in producing nursing degree-holders, that the opportunity to further educate our nurses in advanced programs has been overlooked,” nakasaad naman sa explanatory note sa House Bill 7344 nina Romualdez.
Naniniwala ang mga mambabatas na sa pamamagitan ng advanced nursing education programs, mas maraming oportunidad ang maibibigay sa mga nurse.
Bukod dito, mas lalawak din ang masasaklaw ng educational institutions para sa advanced nursing education.
“By introducing a new dimension to the local nursing education program and opening a whole new aspect of nursing education not previously tapped, we can elevate our status further to be recognized as a producer of leaders, experts, and authorities in the field of nursing,” dagdag pa ng mga mambabatas.
Nakasaad sa mga panukala ang pag-amyenda sa Republic Act 9173 o ang Philippine Nursing Act of 2002 upang maipasok ang advanced nursing education program.
Nais ding ipasok sa batas ang probisyon na dapat ay magkaroon ng basic program para sa nursing education kung saan kasama sa curriculum ang community integration at immersion upang mahikayat ang mas maraming graduate na magserbisyo sa community setting.
Nakasaad din sa panukala ang paglalagay ng graduate program sa nursing education para sa post baccalaureate nursing program.
Saklaw nito ang pagkakaroon ng Master’s Degree at Doctorate degree sa nursing.