AUTOMATED EXTERNAL DEFIBRILLATORS IPINALALAGAY SA MGA ISKUL
NAIS ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na matiyak na may agarang responde sa mga insidente ng atake sa puso sa mga paaralan at iba pang tanggapan sa bansa.
Sa kanyang House Bill 4045 o ang proposed National AED Program Act, ipinanukala ng kongresista na magkaroon ng Automated External Defibrillators sa lahat ng paaralan, mga pribadong opisina, government offices at mga kahalintulad na institusyon.
Ipinaliwanag ng mambabatas na batay sa ulat ng Department of Health, nasa 170,000 Filipinos ang namamatay kada taon dahil sa sakit sa puso.
“The public’s lack of knowledge on how to give good cardiac pulmonary resuscitation serves to be detrimental to emergency situations,” pahayag ni Herrera-Dy sa kanyang explanatory note.
Sinabi pa ng mambabatas na mahalaga ring emergency response ang pagkakaroon ng automatic external defibrillator sa tabi ng pasyente sa lalong madaling panahon.
Alinsunod sa panukala, magkakaroon ng National AED Program sa mga eskwelahan at iba pang institusyon na pamamahalaan ng Department of Health.
Ang AED ay ilalagay sa key areas at dapat na madaling ma-access ng mga empleyado at maging ng publiko.
Inaatasan din sa panukala ang lahat ng paaralan at iba pang establisimiyento na magkaroo ng emergency response team na binubuo ng medically trained personnel o may mga kinalaman sa pagbibigay ng emergency first aid.
Mandato rin ng DOH, Department of Education, Commission on Higher Education, Department of Labor and Employment, local government units, barangays at academe na magkaloob ng education o practical learning of skills sa Emergency First Aid situation, kabilang na ang life-saving skills tulad ng CPR, at paggamit ng AED.
Posible itong gawin sa pamamagitan ng seminars o isama sa curriculum, short courses at iba pang media items.