PUBLIC SCHOOLS OF THE FUTURE BILL APRUB NA SA HOUSE PANEL
APRUBADO na ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukala para sa upgrading ng public education system sa digital learning, may pandemya man o wala.
Sa virtual hearing ng komite, inaprubahan ang proposed Public Schools of the Future in Technology Act na nagsusulong ng 10-year digitalization roadmap para sa mga pampublikong paaralan.
Nagdesisyon ang komite na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo na i-consolidate ang House Bills 311, 514, 1244, 1411, 2671, 3303, 3433, 3505, 4131, 4196, 4527, 4719, 4629, 5090, 5226, 5806, 6964 at 7222.
Bukod sa House Bills 6964 at 7222, lahat ng panukala ay inihain bago pa man pumutok ang Covid19 pandemic.
Ayon kina Manila Rep. Edward Maceda at Albay Rep. Joey Salceda, mas komprehensibo ang substitute bill.
“The substitute bill is much more comprehensive. Covid or no Covid, kailangan natin ito. Sa digitalization tayo papunta, we can’t do anything about it. Mabuti na ring maging handa,” pahayag ni Maceda.
“It’s going to be a long journey. It’s a good first step. Hindi naman bibiglain,” dagdag pa ni Maceda.
“Although this bill was among the first bills I filed, in July 2019, in this time of Covid19, having this bill enacted has become more urgent,” pahayag naman ni Salceda.
Alinsunod sa panukala, inaatasan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng PSOFT inter-agency task force na ihanda ang curriculum para sa public school, physical at digital infrastructure, at maging ang pagsasanay sa mga guro para sa digital economy.
Nakasaad sa panukala na mandato ng Department of Education na bumalangkas ng e-learning resources.
May tatlong pilot schools din na tutukuyin na magmumula sa Luzon, Visayas at Mindanao para sa ‘digital classroom of the future’.
Titiyakin din sa panukala na ang bawat guro at estudyante sa mga pilot school ay mabibigyan ng tig-iisang gadget.
Upang matiyak na nasusunod ang mga probisyon, obligado ang Kongreso na magsagawa ng ebalwasyon kada tatlong taon ng implementasyon nito.
Napagkasunduan din sa pagdinig na maglalagay ng probisyon na hindi ipasasalo sa mga guro ang gastusin para sa internet connection, gayundin sa iba pang gagamitin sa digital learning.
Nakasaad sa panukala na pamumunuan ng DepEd ang bubuuing task force habang miyembro ang Department of Information and Communications Technology at Department of Science and Technology.