Nation

FIFTY PERCENT NG CLASSROOMS SA NCR GAGAWING ISOLATION FACILITIES

/ 15 August 2020

SINABI ng Department of Education na 50 porsiyento ng mga silid-aralan sa Metro Manila ang puwedeng gamitin bilang isolation at quarantine facilities para sa mga pasyenteng may sintomas ng Covid19.

“Kino-confirm namin na nagkasundo na kami sa Department of Health, kay National Task Force against Covid19 chief implementer  Secretary [Carlito] Galvez Jr. at saka ng IATF [Inter-Agency Task Force] na 50 percent ng ating mga classroom sa National Capital Region ay puwedeng gamitin as isolation centers as well as quarantine centers,” sabi ni Education Secretary Leonor Briones sa isang virtual press briefing.

“This can translate to 17,910 classrooms; kung isama natin ang mga private school  na nandito rin sa NCR at kung papayag sila ay lalong lalaki itong numerong ito. We are now working out the numbers with the Department of Health para ma-correlate naman sa kanilang capacity dahil kung may quarantine centers, kailangan naman na may magbabantay na galing sa Department of Health at saka magmo-monitor,” dagdag pa ni Briones.

Mariing sinabi ni Briones na tuloy na tuloy na sa Agosto 24 ang opening of classes sa kabila ng panawagan ng ilang mga mambabatas at mga guro na iurong ang pagbubukas ng klase dahil hindi umano handang-handa ang ahensiya  sa pagpapatupad ng distance learning.

“Tuloy na tuloy talaga on August 24 ang opening ng classes. Sa mga area like NCR and Region IV-A na under close monitoring pa at hindi sila masyadong apektado dahil lahat ng  classes natin ay online; walang face-to-face until next year and until the President so declares,” pahayag ni Briones.

Ayon sa pinakahuling datos ng DepEd, umabot na sa 23,212,795 ang nag-enrol sa mga pampubliko at pribadong paaralan ngayong school year.

“That would translate roughly to 46 million parents na handa na, pumapayag na sila na iyong kanilang anak ay papasok sa August 24,” sabi pa ni Briones.

“Na-surpass na natin iyong target natin for 80 percent of last year’s enrollment at saka sa pagre-recover ng economy, we look forward na lalong lalaki ang enrollment sa mga private school as well,” dagdag pa ng kalihim.