COA FINDINGS SA MALI-MALING MODULES PINABUBUSISI SA KAMARA
NAIS ni Probinsiyano Ako Partylist Rep. Jose Bonito Singson Jr. na busisiin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang inilabas na findings ng Commission on Audit hinggil sa mga error sa learning materials at modules ng Department of Education.
Sa kanyang House Resolution 1670, nanawagan si Singson sa Committee on Public Accounts para magsagawa ng investigation in aid of legislation sa COA report.
“The COA has time and again flagged the DepEd for disseminating study materials containing factual, grammatical, mathematical and scientific errors, most notable of which was in its 2018 Executime Summary Report on the Depatrment,” pahayag ni Singson sa resolution.
Sinabi ng kongresista na umaabot sa P254.35 million ang halaga ng learning materials para sa elementary school pupils na nakitaan ng mga pagkakamali.
Idinagdag pa ng mambabatas na sa pag-iral ng Covid19 pandemic, mas marami pang error ang nakita sa self-learning modules na ginagamit sa distance learning.
“Majority of the said errors are from modules locally developed by DepEd field units that went through quality assurance from the agency’s central office,” diin pa ni Singson.
Iginiit pa ng kongresista na sa panahon ng pandemya at pagtitipid sa mga gastusin, nararapat lamang na mabusisi ang mga pinaglalaanan ng budget ng gobyerno.