DAGDAG NA STATE COLLEGE IPINATATAYO SA NUEVA ECIJA
SA PAGGIIT na kulang ang public educational institutions sa Nueva Ecija, isinusulong ni Senadora Imee Marcos ang pagtatayo ng Polytechnic State University sa bayan ng Cuyapo.
Sa paghahain ng Senate Bill 2109, binigyang-diin ni Marcos na bagama’t may dalawang state universities sa lalawigan ay malayo naman ang mga ito sa bayan ng Cuyapo.
Ipinaliwanag ni Marcos na ang Central Luzon State University ay nasa Science City of Munoz habang ang Nueva Ecija University of Science and Technology ay nasa Cabanatuan City.
“Both campuses are far from the municipality of Cuyapo, which lies at the northernmost tip of the province, bordering Nueva Ecija and Pangasinan,” pahayag ni Marcos sa kanyang explanatory note.
Binigyang-diin ng senadora na nakadaragdag ng gastos at pagod sa mga college student mula sa Cuyapo ang pagbiyahe papunta sa mga state university.
Sa panukala, kabilang sa iaalok ng unibersidad ang advance education, higher technological, professional instruction at training sa agriculture, arts and sciences, education, commerce, business administration, engineering, social sciences at short-term technical-vocational courses.
Nilinaw naman sa panukala na mananatili pa rin ang ilang technical-vocational courses o programs sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority.