Nation

GATCHALIAN ATRAS MUNA SA F2F CLASSES 

/ 27 March 2021

SA GITNA ng patuloy na pagtaas ng Covid19 cases, maging si Senador Sherwin Gatchalian ay umatras muna sa ideya ng pagsasagawa ng face-to-face classes.

Ayon kay Gatchalian, mahirap kalaban ang virus dahil pabago-bago ang atake nito.

“Akala ko noong January, huhupa na ito at puwede na tayong mag-face-to-face pero pumutok uli ngayon kaya sabi natin ay dapat maging maingat muna tayo dahil hindi natin alam kung ano ang puwedeng mangyari. Kaya ipagpaliban muna natin ito hanggang gumaan ang sitwasyon,” pahayag ni Gatchalian.

Sa kabilang dako, naniniwala ang senador na sa pagpasok ng School Year 2021-2022 ay maaaring ikonsidera na ang pagsasagawa ng face-to-face classes.

“Pero tingin ko, hopefully itong bagong school year August, dahil delay ang ating school year, magkakaroon na tayo ng face-to-face,” sabi ni Gatchalian.

Kasabay nito, muling iginiit ng mambabatas ang kahalagahan ng pagbibigay ng gadget sa bawat estudyante at ang pagpapalakas ng internet connection upang maibigay pa rin ang dekalidad na edukasyon.

“Isa po sa mga itinutulak natin ang tinatawag kong One Laptop, One Learner na mabigyan po ng laptop lahat po ng mag-aaral sa atin. Dahil importante na iyan. Nakita ko nung nagsara ang mga eskwelahan lalong mahalaga itong internet conection at laptop,” diin ni Gatchalian.