Nation

DEPED, TALAYTAYAN SANIB-PUWERSA SA PAGSUSULONG NG MTB-MLE

/ 23 March 2021

NAGHATID ng mensahe ng pakikiisa si Department of Education Secretary Leonor Briones sa mga unibersidad at organisasyong bumubuo sa 2021 International Mother Language Conference and Festival tungo sa mas malawakang pagpapaunlad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education sa buong Filipinas.

Ayon kay Briones, malaking hakbang para sa DepEd ang simulain ng MTB-MLE,  ilang taon ang nakararaan. Samu’t saring palihan at talakayan ang kanila nang napasinayaan para sa mga guro’t manunulat upang makapagprodyus ng mahuhusay na materyal pampagtuturo.

Sa kabila nito, inamin niyang hindi pa naaabot ang rurok ng implementasyon dahil hanggang Grade 3 lamang ang sabjek na MTB-MLE. Dagdag pa ang kahirapan ng pagtuturo dahil sa pandemya, lumutang ang mabibigat na problemang dapat harapin ng DepEd at ng sangkaguruan.

Gayon na lamang ang pasasalamat niya sa 170+ Talaytayan MLE, Inc. na pinamumunuan ni Dr. Ricardo Ma. D. Nolasco sapagkat naging katuwang sila ng ahensiya upang solusyonan ang mga suliraning pangwika.

Binanggit ni Briones na malaking tulong ang 40 research panels na araw-araw umere mula Pebrero hanggang Marso. Ang mga aral patungkol sa wika, kultura, panitikan, pedagogy na bitbit ng mga tagapagsalitang gaya nina The Philippine Online Student Tambayan Executive Director Eros Atalia, UP Diliman Center for International Studies Professor Ramon Guillermo, UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas Professor Eugene Evasco, at iba pang mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas, ay tiyak na nagpapayaman pa sa usapin hinggil sa utilisasyon ng mga bernakular na wika tungo sa mas mataas na antas ng pagkatuto sa mga araling wika, humanidades, agham, siyensiya, at teknolohiya.

Nagpasalamat naman si Nolasco sa suporta ng DepEd. Sinariwa niya sa kanyang tugon ang mayamang talakayang bitbit ng DepEd panel na nag-ulat sa kasalukuyan kalagayan ng MTB- MLE sa rehiyon.

Sabi pa ni Nolasco, ang pagsusulong ng MTB-MLE ay hindi magtatapos sa kumperensiya sapagkat nasa mga paaralan at palimbagan ang tunay na hamon ng kasalukuyan.

Upang tahiiin at ipamalas ang diwa ng kumperensiya, sa pampinid na palatuntunan din inilunsad ang 2021 Manila Declaration. Sinundan nito ang “My Language Matters” presentation tungkol sa kasaysayan ng Talaytayan at ng IMLCF.

Talakayang mula kina Vic Nierva (Magbikol Kita), Jerski Duria (Philippine Statistics Authority), Genevieve Conjusta, Myra Angelie Oliveros, Diospyros Fuentes, Armando Katalbas (West Visayas State University), Jennie Jocson (Philippine Normal University), Kirk Person (Summer Institute of Linguistics International), Aniceto Orbeta (Philippine Istitute of Development Studies), Sam Poliden (Benguet State University), Rynj Gonzales (SIL Philippines), Pauline Mangulabnan (University of Fukui), at Luz Sandra Fernandez (DepEd) ang nagsara ng palatuntunan.

Inaasahan ng mga nagsipagdalo ang pagpapaigting ng wika sa mga polisiyang pang- edukasyon sa mga susunod na taon. Kaakibat nito ang pag-asang masusundan ang IMLCF sa lokal at rehiyonal na antas.

Ang IMLCF ay hatid ng Talaytayan at ng The POST, kasama ang University of Fukui, University of the Philippines Mindanao, Philippine Normal University, University of Santo Tomas Graduate School, Nakem Conferences, Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology, Benguet State University, Lyceum of the Philippines University, Magbikol Kita, at Mariano Marcos State University for Iloko and Amianan Studies.