Nation

NAWALANG PANAHON SA PAG-AARAL NG KABATAAN ‘DI MALIIT NA BAGAY — SOLON

/ 17 March 2021

BINATIKOS ni ACT Teachers Rep. France Castro ang ‘maliit na bagay’ na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa Covid19.

Ipinaalala ni Castro na bukod sa maraming nagbuwis ng buhay at nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya, maraming kabataan ang nawalan ng access sa dekalidad na edukasyon.

“The youth’s right to accessible and quality education continues to suffer with the Department of Education’s failed blended learning program,” pahayag ni Castro.

“Hindi ito maliit na bagay para sa mamamayang Filipino at nakababahalang  maliit na bagay ang pagtingin ng ating Pangulo sa napakalaking problema na idinulot ng kanyang palpak na mga polisiya sa araw-araw na buhay ng mamamayan,” dagdag pa ng kongresista.

Iginiit pa ng mambabatas na sa sektor ng edukasyon, unang quarter pa lang ng blended learning ay marami nang kinaharap na problema ang mga paaralan,  guro, estudyante at magulang.

“Kulang ang mga module at mga gadget, at marami ang walang access sa online learning. Hanggang ngayon ay walang konkretong plano ang DepEd kung paano na naman itatawid ang papalapit nang school year, walang sapat na pondo para sa pangangailangan ng blended learning or distance learning at lalong walang budget para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan para masigurado na ito ay ligtas at nasusunod ang minimum health standards. Ang problema sa edukasyon ay hindi maliit na bagay,” sabi ng kongresista.

Muling binigyang-diin ng lady solon na ang kailangan ng mamamayan ay mass testing, mabisang contact tracing, sapat na ayuda, epektibo at episyenteng vaccine rollout.

“Kailangan na rin ng mga guro at mag-aaral ng konkretong plano para sa ligtas na balik-eskwela sa lalong madaling panahon. Hanggang  hindi nagagawa ang batayang mga hakbang na ito sa pagsugpo ng Covid19, patuloy tayong iniiwan ng sarili nating gobyerno at magkakanya-kanya para iligtas ang ating mga sarili mula sa Covid19 at mula sa pasismo ng administrasyon,” dagdag pa ni Castro.