K-12 PROGRAM IPINAREREPASO NG KONGRESISTA SA DEPED
ISINUSULONG sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagrepaso ng Department of Education sa dati nang kontrobersiyal na K-12 program.
Sa kanyang House Resolution 922, nais ni Surigao del Sur 1st District Rep. Prospero Pichay na malaman kung epektibo ang K-12 program alinsunod sa Republic Act 10533 o ang enhanced Basic Education Act.
Sinabi ni Pichay na target ng kanyang hinihiling na investigation in aid of legislation na makita ang epekto ng programa at kung nakamit ba ng bansa ang nilalayon nito.
Kabilang sa minimithi ng batas ang bigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga konsepto at iba’t ibang kakayahan, gayundin ang pagbuo ng lifelong learners.
Nakasaad din sa batas na sa pamamagitan ng programa ay maihahanda ang mga estudyante sa tertiary education habang maaga rin silang mabibigyan ng oportunidad sa trabaho at negosyo.
Alinsunod sa probisyon ng batas, ang mga nagsitapos ng K-12 program sa edad na 18 ay maaari nang pumasok sa trabaho.
Isa pang tinatarget ng batas ay ang makatugon sa international standard ng pag-aaral upang mabigyan ng kaparehong oportunidad sa ibayong dagat ang mga graduate ng Filipinas.
Gayunman, sinabi ni Pichay na bagama’t libre ang edukasyon sa pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya, marami namang pamilya ang nakaranas ng dagdag na gastusin sa programang ito.
Ipinaliwanag ng kongresista na nadagdagan ang gastusin ng mga magulang at estudyante sa kanilang transportasyon, pagkain, school projects at iba pang school expenses dahil sa dagdag na dalawang taon ng pag-aaral.
Sinabi pa ng mambabatas na ipinatupad ang programa nang hindi pa handa ang mga pasilidad sa mga paaralan at kulang pa sa kasanayan ang mga guro.
Pinuna rin niya ang karagdagang mga gawain sa mga estudyante at guro na malaki rin ang epekto sa performance ng mga ito.