PUP-ALFONSO CAMPUS APRUB NA SA HOUSE PANEL
INAPRUBAHAN na ng House Committee on Higher and Technical Education ang panukala na gawing independent campus ang Polytechnic University of the Philippines-Maragondon Extension.
Sa virtual hearing ng komite na pinangunahan ni Baguio City Rep. Mark Go, nagkasundo ang mga miyembro na isulong na sa pagtalakay sa plenaryo ang House Bill 8790 na inihain ni Deputy Speaker Abraham Tolentino.
Alinsunod sa panukala, ang extension campus ng PUP sa Maragondon ay idedeklara nang independent campus.
Sa House Bill 8790 o ang PUP-Alfonso Campus Act, iginiit ni Tolentino na panahon nang gawing independent campus ang PUP-Maragondon extension.
Ang panukala ni Tolentino ay batay na rin sa resolution ng Provincial Board ng Cavite na nagsusulong na i-convert na ang extension bilang PUP-Alfonso Campus.
Sa datos, July 7, 2013 nang itayo ang PUP-Maragondon Extension sa munisipalidad ng Alfonso.
Sa ilalim ng panukala, bubuksan ang PUP-Alfonso Campus para sa mga estudyanteng nais kumuha ng graduate, undergraduate at short-term technical-vocational courses na nakapaloob sa areas of specialization nito.