F2F CLASSES MULING TINABLA NI DUTERTE
KINUMPIRMA ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagdesisyon na si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi muna magsasagawa ng face-to-face classes hanggang hindi nasisimulan ang vaccination program.
KINUMPIRMA ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagdesisyon na si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi muna magsasagawa ng face-to-face classes hanggang hindi nasisimulan ang vaccination program.
“Nagdesisyon na po ang Presidente ha. Wala pa rin po tayong face-to-face classes sa ngayon sa bansa. Tumawag po kagabi ang Presidente sa akin at ang sabi niya ayaw po niyang malagay sa panganib o alanganin ang buhay ng mga mag-aaral at guro habang wala pa pong nababakunahan sa bansa,” pahayag ni Roque sa isang press briefing.
“Sabi niya may awa po ang Panginoon baka naman po pagkatapos nating maglunsad ng vaccination program ay puwede na tayong mag-face-to-face sa Agosto, lalo na sa mga lugar na mababa ang Covid cases,” dagdag pa ni Roque.
Una rito, sinabi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na mismong si Pangulong Duterte ay atubili sa pagsasagawa ng face-to-face classes hanggang hindi pa nasisimulan ang pagbabakuna kontra Covid19.
“Mismong si Pangulong Duterte ay nag-aalangan pa at ayaw niya munang payagan ang face-to-face classes. Delikado pa po raw kasi ang panahon. Takot si Pangulo dahil ayon sa kanya, we are dealing with life here. Puwede namang sa next regular opening ng school year sa July o kapag ligtas na,” sabi ni Go.
Ginawa ni Go ang pahayag kasabay ng pagtutol sa rekomendasyon ng Metro mayors at ng Inter-Agency Task Force na isailalim na sa Modified General Community Quarantine ang buong bansa.
Nanindigan din si Go na wala munang face-to-face classes hanggang hindi umaarangkada ang bakuna kontra Covid19.
“As we do our best to return to normalcy and revive the economy, let us first ensure that the lives of our people are protected. Throughout this pandemic, we have lost lives and we cannot afford to lose more,” pahayag ni Go.