COPYRIGHT, INTELLECTUAL PROPERTY RIGHTS TINALAKAY NG GATEWAY GALLERY, THE POST, IPOPH SA #KULTURASERYE
SA UNANG episode ng KulturaSerye Webinar ngayong taon ay tinalakay ang usapin ng karapatang-ari at iba pang kaugnay na karapatan sa iba’t ibang sining-biswal noong Sabado, Pebrero 20, sa pangunguna ng Gateway Gallery, The Philippine Online Student Tambayan, at ng Intellectual Property Office of the Philippines.
Ayon kay Atty. Chuck Valerio ng IPOPH Bureau of Copyright and Related Rights, dapat mabatid ng sinumang Filipino na hindi kailangang rehistrado sa kanilang opisina ang anumang likha bago magkaroon ng karapatan ang may-ari nito.
Nilinaw niya na sa mismong araw ng paglikha, ang awtor, pintor, o dibuhista ay mayroon nang copyright at wala nang maaari pang kumopya o magparami nito nang walang napagkasunduang kontrata o permiso.
Dagdag pa ni Valerio, lahat ng uri at porma ng ‘intellectual property’ at ‘creations’, akdang pampanitikan man, retrato, pinta, imbensiyon, makina, ultimo pagtatanghal, ay protektado ng Republic Act 8293 na mas kilala bilang The Intellectual Property Code of the Philippines.
Ang proteksiyon, ayon sa batas, ay habang buhay ang lumikha at 50 taon matapos siyang mamatay, liban sa (1) works of applied art (25 taon); (2) photographic works (50 taon matapos ilimbag); (3) joint authorship (habang buhay ang kasamang awtor + 50 taon matapos mamatay); at (4) anonymous o pseudonymous and audiovisual works (50 taon matapos ilimbag).
‘Absoluto’ ang proteksiyon at maaaring kasuhan ang sinumang nangopya, nagnakaw, o nagplahiyo Filipino man ang lahi o hindi. Subalit sa sandaling dumating ito sa korte, ang desisyon ng hukom ay may konsiderasyon sa prinsipyo ng ‘idea-expression dichotomy’ na nagsasabing tanging ang ekspresiyon o paglalahad lamang ng idea ang may copyright at hindi ang mismong idea.
Sa dalawang oras na webinar ay masinsing ipinaliwanag ni Valerio ang naturang paksa. Sinagot niya rin ang mga pangunahing tanong ng daan-daang nanood mula Luzon, Visayas, at Mindanao.
Isang guro rin mula sa Department of Education ang kumonsulta hinggil sa usapin ng copyright at intellectual property right sa self-learning modules na sinasagutan ng mga bata.
Diretsahan itong sinagot ng tagapagsalita na posibleng magkaroon ng isyu sa karapatang-ari kung hindi humingi ng permiso sa orihinal na may-ari ng anumang nilalaman ng modules.
Magkagayo’y binigyang-diin niya ang halaga ng ‘permiso’, berbal man o pasulat, sa lahat ng likhang-sining na nakaangkla sa idea at produkto ng iba.
Natapos ang webinar sa pamimigay ng dalawang SiningSaya Workbook at 10 official merchandise mula sa The POST.
Sa Abril, inaabangan ang muling pagsasama ng Gateway Gallery at The POST sa panibagong KulturaSerye tungkol sa 500 Taong Pagdaong ng Espanya sa mga Isla ng Filipinas.
Ang Gateway Gallery ay pinangangasiwaan ni Museum Curator Gari Apolonio.
Samantala, si John Carlo Santos, Correspondent ng The POST at Instruktor ng Kasaysayan mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Banos, ang nagsisilbing tagapagpadaloy ng webinar.