Nation

INT’L MOTHER LANGUAGE CONF NG TALAYTAYAN, THE POST BINUKSAN

/ 22 February 2021

MATAGUMPAY ang pagbubukas ng 170+ Talaytayan MLE, Inc. at ng The Philippine Online Student Tambayan sa 2021 International Mother Language Conference and Festival kasabay ng pagdiriwang ng International Mother Language Day, kahapon, Pebrero 21, via Zoom.

Dinaluhan ito ng daan-daang mga guro, mag-aaral, at mga mananaliksik mula sa iba’t ibang pamantasan sa loob at labas ng Filipinas.

Pinangunahan ni Andreas Schleicher ang talayakan sa pamamagitan ng kaniyang lekturang pinamagatang ‘Literacy in the 21st Century’.

Inisa-isa ni Schleicher ang kasalukuyang kalagayan ng mga mag-aaral sa buong mundo at ang trends sa pagtuturo at pagkatuto ng mga paaralan gamit ang samu’t saring prinsipyong pangwika.

Tinuhog niya rin sa talakayan ang estado ng Filipinas, ang pagkakaroon ng maraming wika at pagbibigay-tangi sa Ingles at Filipino – mga itinuturing na wikang opisyal sa bilingguwal na pambansang sistemang pang-edukasyon sa kasalukuyan.

Gayundin, ang resulta ng Programme for International Student Assessment at ang epekto nito sa pagpapaunlad ng kurikulum, polisiya, praktis, at kultura sa edukasyon ay inilahad niya’t binuksan sa mga manonood na nagbunga ng mayamang talastasan.

Si Schleicher ay ang Director for Education and Skills ng Organisation for Economic Cooperation and Development. Siya ang nagpasimula ng PISA at iba pang internasyonal na sukatang pampagkatuto na ginagamit sa buong mundo.

Samantala, ‘Teacher and School Leader Quality in the Philippines: Moving Forward’ naman ang sumunod na sesyon na hatid ni John Pegg, Direktor ng SiMEER National Research Centre- niversity of New England, Australia.

Bukod sa resulta at ranking ng Filipinas sa pandaigdigan at panrehiyonal na mga pagsusulit ay malaliman niyang tinalakay ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Binanggit niyang mahusay ang Department of Education at iba pang katuwang nitong paaralan sa pagsusulong ng dekalibreng pag-aaral at pananaliksik alang-alang sa mga batang Filipino.

Binanggit din ni Pegg ang tagumpay ng mga programang pinangasiwaan kasama ng Philippine Normal University at Philippine National Research Center for Teacher Quality, pati ang patuluyang pagpapatupad nito sa gitna ng pandemya.

Sa pagtatapos niya’y sinariwa ng mga manonood ang mga ambag ni Pegg sa Filipinas matapos na gawaran ng PNU Doctor of Education Honoris Causa noong 2015.

Si DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan ay dumalo rin sa unang araw ng kumperensiya at nakilahok sa panel discussion.

Ang patuloy na pagsusulong ng multilingguwal na edukasyon sa elementarya ang tinutukan niya sa ilang minutong pagbabahagi, pati ang plano ng Kagawarang pag-ibayuhin ang mga materyal ng Mother Tongue-Based Multi-Lingual Education tungo sa mas epektibong pagtuturo ng mga akademikong sabjek kaalinsabay ng pagtataguyod ng higit sandaang bernakular na wika sa buong bansa.

Ang IMLCF 2021 ay magpapatuloy hanggang Marso 20. Higit 40 panel presentations ang inaabangan ng mga kalahok, kasama ang palihang pasisimunuan ng Executive Director ng The POST na si Prop. Eros Atalia.

Kasama ng Talaytayan at ng The POST ang University of Fukui, University of the Philippines Mindanao, Philippine Normal University, University of Santo Tomas Graduate School, Nakem Conferences, Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology, Benguet State University, Lyceum of the Philippines University, Magbikol Kita, at Mariano Marcos State University for Iloko and Amianan Studies sa IMLCF.