Letters of Youth

PAGTALOS SA ‘DI NABABANAAG

/ 19 February 2021

Yao’y isang gunitaing marilag —- isang dahon ng kariktan, sa pagbagsak nito sa malahanging sinag ng araw na pumaparipot sa pagtagos sa aking mga mata, ito ang siyang dahong nagdulot ng kislap sa kaluluwa, kulay sa aking ‘ngayon,’ at lalim sa aking kaisipang lantay. Ang dahong humahaligos sa paghampas ng hanging malimit ay aking sinulyapan. Ang kulay, ang hugis, ang mga parte, at kung ano —- ano ang nagdulot sakanyang masangay ng kalikasan?

Ang ating imahinasyon ay isang katulastulas na kapangyarihang maglakbay sa isang kalawakang lingid sa kaalaman ng iba, natatangi lamang sa sariling isip na siya ring nagbibigay ng kulay at kalakasan sa mga elemento ng imahinasyon. Siyang gumugunita sa mga damdamin at paksa ng buhay, nagpapahayag ng karanasan, ng emosyon, at ng mga kabatiran ng isang kaluluwa.

Isang dahong malumanay na sumusunod sa batas ng pisika sa pagbaba at sa unti-unting pagbagsak nito sa lupain, na tila iniihip ng hangin na para bang ito’y isang bula —- ano ang mayroon dito? Hindi ba ito tulad ng isang pangkaraniwang katauhang sumusunod lamang sa likas na agos ng kanyang buhay, kung saan ang nangangasiwa ay ang pamahalaan? Hindi ba ito tulad ng isang makatang nagsusulat ng kanyang mga maningning na mga estropa, na siyang sumusunod lamang sa paglahok ng kanyang damdaming maghayag? Hindi ba ito katulad ng isang sumsunod lamang sa itinakda para sakanya ng kalawakan, na siyang tilang lumulutang lamang sa mga alon at nakikisama sa agos nito?

Sulyapin ang kinakaharap, gunitain ang mga kaisipan, at magnilay. Ang imahinasyon ay sumusunod sa ganitong ayos, na siyang may kapayapaan at kalayaan na magsaayos ng isang kathang-isip lamang ng daigdig —- upang langhapin ang kabihasnan ng pag-iisip, linangin ang sarili at maihayag ang damdamin.

Tayo’y nababalot sa kasinungalingang tanyag, na ang ating nakikita ay siya na ngang pinal. Lingid sa kaalaman ng marami na nararapat at maaring palawakin ang makisig na paksa ng isang simpleng bagay, na hindi lamang ito nangyayari dahil sa isang nakatutuklas na paliwanag ng siyensya, kundi bukas din ang pinto ng isang paksang malimit makita sapagkat ito’y isang katawang hindi nababanaag kundi nagkukubli lamang sa kalooban ng ating kaluluwa, at ito ang imahinasyon… ang pagtalos sa kahaliling kalawakang ating natatanaw. Iyong isipin at bananaagin ang walang katapusang limitasyon ng maaring isipin. Gunitain mo ang kabihasnan ng iyong pagiisip, at gamitin upang matalos ang kabila!