Region

E-JEEP ARALAN UMARANGKADA SA CAVITE

/ 16 February 2021

SA PAGPAPATULOY ng distance learning ngayong may pandemya ay maraming pagkakataon na may pagtutulungan para sa pag-aaral ng mga kabataan.

Gaya na lamang sa Bayan Luma 1 Elementary School sa Imus City, Cavite na sinisigurong maaalalayan ang mga learner kaya naman umarangkada kamakailan ang ‘E-Jeep Aralan’ na naglalayong abutin ang mga learner upang mabigyan sila ng tamang gabay sa kanilang pag-aaral.

Layon ng inisyatibo na makapaghatid pa rin ng dekalidad na edukasyon at gabay sa mga mag-aaral sa kabila ng pandemya.

Tila classroom ang jeep na puno ng learning materials na siyang ginagamit ng mga gurong nagtutungo sa lugar kung saan nakatira ang kanilang mga mag-aaral. Maigting na ipinatutupad ang safety protocols sa pagsasagawa ng nasabing programa.

Si Teacher Juliefer Villanueva ay isa mga guro na nagtuturo sa loob ng E-Jeep, pero bago pa man ilunsad ang nasabing proyekto ay masigasig na siyang nagsasagawa ng home visitation sa kanyang mga estudyante.

Aminado siyang limitado ang kanyang learning materials na nadadala roon ngunit sa tulong ng E-Jeep kada linggo ay tila dala-dala niya ang buong classroom sa kanyang pagbisita sa mga learner.

“Bago pa lang itong E-Jeep natin nagho-home visit na po tayo, pinupuntahan ko po ang mga estudyante ko dahil po ‘pag pandemic nga kailangan may gawin na something for them. Napakalaking tulong po na nailalapit po namin ‘yung classroom po sa mga bata,” sabi ni Teacher Juliefer.

Bukod sa teaching materials at visual aids ay baon din ni Teacher Juliefer ang kanyang mga karanasan. Ayon sa kanya, marami siyang pinagdaanan ngunit nagsumikap upang makatapos ng pag-aaral, at ito, aniya, ang nais niyang ibahagi sa mga learner sa sitwasyong pinagdadaanan dulot ng pandemya.

“Dinaanan ko po ‘yung hirap, ‘yung sobrang hirap ng buhay, so parang umano sa akin noon na hindi dapat natatapos sa kung ano lang ang kayang ibigay, kundi dapat may gawin din ako para sa sarili ko,” dagdag ni Teacher Juliefer.