CEBU POLICE BINATIKOS SA RED-TAGGING SA MGA GURO
BATIKOS sa halip ng inaasahang suporta ang natanggap ng Tudela Police Station sa Cebu matapos na i-post sa Facebook ang isang cartoon na tila nagsasabing ang mga guro ay terorista.
“Do not be deceived. Say No To CPP-NPA-NDF #TeamPRO7 #TeamAmigoCops #WeFightAsOne #LetsVoltIn #WeServeAndProtect,” ang deskripsiyon ng retratong nagtatampok sa gurong nagtuturo umano ng rebelyon sa mag-aaral nito habang nasa loob ng eskuwela.
Ipinahihiwatig ng Tudela Police na ‘maging maingat’ at ‘huwag paloloko’ sa mga gurong nagtuturo ng terorismo.
Agad naman itong binatikos ni University of the Philippines Professor Ramon Guillermo.
“Lupit nito! Dahil nagtuturo lamang ng PAG-IISIP (period — hindi na kailangan na sabihing Kritikal na Pag-iisip) ang mga guro sa kanilang mag-aaral ay maituturing na agad silang mga subersibo. KAAWA-AWA naman itong mga natutuwa at nagkakasyang manatiling HINDI NAG- IISIP. Napakasarap siguro ng kanilang buhay,” sabi niya.
“Ang libro ay armas. Kaya mga hepe, huwag na kayo magbasa,” pahaging pa niya.
Ganito rin ang opinyon ng ilan pang mga guro’t mag-aaral na nakakita sa naturang retrato.
Sabi ni Harold Bumanglag, “Look at these hypocrites. How desperate and low could you go? As a pre-service teacher, it is an insult to our future profession, to our teachers and professors to see this. You have all the privilege and enough compensation yet ganito. Indeed, education is a power against ignorance.
“P/np kakampi mo pero nang-vi-vilify ng teachers at nags-spread ng hate and violence. Btw, ang panget ng pub mat niyo, parang kayo at mindset niyo.”
Sinusugan ito ng pahayag ni Maurice Joseph Maglaqui Almadrones.
“Being literate, educated, and being a critical thinker does not equal to being a rebel or a terrorist. Kaya pala maraming mga heneral, jefe, pulis, sundalo, at pulitiko ang t..ga kasi tingin nila kapag nag-aral ka magiging rebelde ka. So why study? This is such a slippery slope the PNP, DND, and NTF-ELCAC are treading. Push fallacious arguments and fake news pa.”
Para naman kay Popoy Oropil, ang ginawa ng Tudela Police ay hayagang red-tagging.
“Red-tagging at its finest. Kaunting respeto na lang sana sa mga teacher ninyo nung mga nag- aaral pa kayo,” panawagan niya sa nagpaskil.
Mensahe naman ng gurong si Jonats Geronimo, “Talagang mapanganib ang edukasyon para sa mga gustong manatiling mangmang tayo.”
Matapos umani ng libo-libong negatibong reaksiyon ay agad itong binura ng Tudela Police. Ngunit pagpapaliwanag o paghingi ng tawad sa mga guro, na siyang hinihintay ng netizens, ay hindi nila ginawa.