170+ TALAYTALAYAN, THE POST MAGSUSULONG NG MULTILINGGUWAL NA EDUKASYON SA ISANG PANDAIGDIGANG KUMPERENSIYA
PORMAL nang ikinasa ng 170+ Talaytayan MLE, Inc. at ng The Philippine Online Student Tambayan ang kanilang tipanan upang isulong ang multilingguwal na edukasyon sa Filipinas sa pamamagitan ng isang 28-araw na tuluyang kumperensiya na gaganapin sa Pebrero 21 hanggang Marso 20.
Ang 2021 International Mother Language Conference and Festival ay inisyatiba ng Talaytayan, sa pakikiisa ng The POST, tungo sa pagsulong ng mga bernakular na wika bilang midyum panturo ng mga kurso sa lahat ng antas lalo ngayon sa panahon ng pandemya at sakuna.
Mayroon itong temang ‘Multilingual Education in the Pandemic and in Transition: Mapping the Course for Language Development and Governance’ na naglalaman ng samu’t saring pananaliksik mula sa mga paham sa wika at lingguwistika sa loob at labas ng Filipinas.
Ito ay pinangungunahan ng batikang mananaliksik at guro sa lingguwistika na si Dr. Ricardo Nolasco mula sa Departamento ng Lingguwistika, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Kung babalikan, si Nolasco ay isa sa mga proponent na nagsulong ng Mother Tongue-Based Multilingual Education na kasalukuyang inuutilisa ng Department of Education. Ani Nolasco, higit na mainam na gamitin ang wikang batid ng mga mamamayan nang mas maging maalam sa mga isyu at usaping kinapapalooban ng lipunan.
Ngayong taon, makakasama ng Talaytayan at ni Nolasco ang The POST – ang nangungunang media outlet para sa mga mag-aaral, guro, at unibersidad sa buong bansa. The POST ang maghahatid ng mga ulat hinggil sa kabuoang daluyong ng kumperensiya at iba pang mga tampok hinggil sa pagsusulong ng mga bernakular na wika sa Filipinas.
Ang 28-araw na kumperensiya ay tiyak na makatutulong hindi lamang sa mga mag-aaral, kundi sa mga mananaliksik na nagnanais magpalalim pa ng kaalaman tungkol sa multilingguwal na edukasyon kaya inaanyayahan ng mga tagapangasiwa ang mga Filipino na dumalo at magpatala.
Nitong Biyernes, Pebrero 12, ay nagsama-sama ang mga kinatawan ng Talaytayan at The POST para pormal na lagdaan ang Memorandum of Agreement. Personal na dumalo at nakipulong si 170+ Talaytayan MLE Inc Head Nolasco kasama sina The POST Executive Director Prop. Eros Atalia, Executive Consultant for Operations Atty. Karen Briones, at Executive Consultant for Legal Affairs Atty. Renfred Tan.
Inanunsyo rin sa MOA Signing ang nakaiskedyul na ekslusibong talakayan ng dalawang panig hinggil sa inaasahang daloy ng programa. Gaganapin ito sa Lunes, Pebrero 15, 10 n.u. Itatampok dito ang mga isyung kinapapalooban ng MLE at ng wikang Filipino sa kabuoan.
Bukas ang talakayan sa lahat ng mga nais dumalo ‘pagkat idaraos ito bilang Facebook Live video sa official page ng The POST.