2 BAGONG GUSALI NG P’QUE SCIENCE HIGH SCHOOL NAITURN-OVER NA
KASABAY ng pagdiriwang ng ika-23 taong pagkalungsod ng Paranaque ang turn-over ceremony ng dalawang bagong gusaling pampag-aaral ng Paranaque Science High School kahapon.
Ang bawat gusali ay may apat na palapag na classrooms at multipurpose halls na handa nang gamitin anumang oras na payagan ng Inter-Agency Task Force ang pagbabalik ng face-to-face classes.
Kumpirma ni Public Information Officer Mar Jimenez na tig-16 na silid-aralan ang nilalaman ng bawat gusali. Malaking tulong ito sa lumolobong populasyon ng mga mag-aaral.
“This is a historical day today na nagkaroon tayo ng blessing ng extension ng ating Parañaque Science High School ang atin pong bagong building ng ating Barangay Sto. Nino High School,” sabi ni Mayor Edwin Olivarez.
“This progress and development ay pinagtulung-tulungan po ng bawat stakeholder po natin. Mula po sa atin pong Congressman Eric Olivarez, ang ating national government, ang city government, ang barangay government, ang DepEd family, at lalong-lalo na ang participation ng ating mga private individual,” sabi pa niya.
Binigyan niya ng pagpapahalaga’t pasasalamat ang Department of Education sa pagtulong nito upang mas maraming mag-aaral ang magkaroon ng dekalibreng edukasyon.
“At ang atin pong DepEd family ang susi po diyan. Ang susi para mabigyan po ng tamang kaalaman, edukasyon ang lahat po ng ating mga estudyante to govern this city of ours.”
Dumalo sa turn-over ceremony sina Vice Mayor Rico Golez, Congressman Eric Olivarez, Barangay Captain Johnny Go, Schools Division Superintendent Dr. Evangeline Ladines, Assistant Schools Division Superintendent Dr. Viola Gonzales, at iba pang mga konsehal.