Nation

DEPEKTIBONG DISTANCE LEARNING MAGRERESULTA SA LEARNING CRISIS — SOLON

/ 9 February 2021

NAGBABALA si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na kung magpapatuloy ang hindi epektibong distance learning ay magdudulot ito ng mas malalang learning crisis.

Sa kanyang privilege speech sa sesyon sa Kamara nitong Lunes, sinabi ni Castro na dapat nang baguhin ng Department of Education ang ‘approach’ nito sa edukasyon ngayong panahon ng pandemya.

“Hindi na po nakakasabay ang mag-aaral sa blended learning dahil sa dagdag na gastos at kawalan ng access sa online, kahit pa sa modules. Kung magpapatuloy pa rin itong failing distance learning, lalo lamang itong magreresulta sa looming learning crisis,” pahayag ni Castro.

Ito ay kasunod ng pag-aaral ng Movement for Safe, Equitable, Quality, and Relevant Education na isinagawa noong November 23 hanggang December 22 sa 1,395 guro; 1,207 magulang at 620 Grade 4 hanggang 12 students.

Sa survey, sinabi ng mga guro na apat na porsiyento lang ng mga estudyante ang nakakasunod sa mga lesson; 54 porsiyento ang nagsabi na malaking bahagi ng kanilang klase ang napag-iiwanan at 42 porsiyento ang nagsabi na hindi nila matukoy kung ilan sa mga estudyante nila ang hindi na nakakasunod sa aralin.

Sa bahagi ng mga estudyante, 53 porsiyento ang nagsabi na hindi na sila tiyak kung natututo pa sila sa mga modules na ibinibigay sa kanila.

Habang 42.7 porsiyento ng mga magulang ang tiwalang nauunawaan ng kanilang mga anak ang mga aralin.

Nasa 73 porsiyento naman ng mga magulang ang nagsabi na hindi sapat ang ibinigay na orientation sa kanila hinggil sa learning modality.

Lumabas din na 50.4 porsiyento ng mga guro ang nagsabi na hindi self-learning ang mga module habang 24.5 porsiyento ang naniniwala na sapat ang modules para sa self-learning.

“Ang konklusyon po sa kanilang survey ay looming learning crisis. The survey findings underscore the urgent need to address the major issues presented so as to salvage the remaining periods of the school year and thwart the long-term negative impacts of the health and economic crisis on education,” diin pa ni Castro.

Dahil dito, nanawagan ang mambabatas sa Kongreso na irekomenda sa Department of Education na ngayon pa lang ay paghandaan na ang gradual face-to-face classes para sa susunod na academic year.