Region

30 AGRI GRADUATES SA CAGAYAN TUMANGGAP NG LUPA MULA SA DAR

/ 8 February 2021

NASA 30 kalipikadong BS Agriculture graduates mula sa Lal-lo, Cagayan ang tumanggap ng Certificates of Land Ownership Award mula sa Department of Agrarian Reform noong Pebrero 5.

Ang mga lupa ay laan sa nagsipagtapos na mga mag-aaral upang agarang makapagsapraktika ng mga kursong natutunan. Sa tulong nito’y mapagyayabong nila ang kanilang propesyon at makatutulong din sa bayan sa pagsasaka.

Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, talagang nagbibigay ang DAR ng CLOAs upang mahimok ang mga kabataan na magsaka at huwag talikdan ang larangan ng agrikultura.

Sinabi niya na matanda na ang edad ng mga magsasaka sa Filipinas at kung hindi sila aalalayan ng mga kabataan ngayon ay posibleng humina ang nasabing sektor at mawalan ng seguridad sa pagkain ang buong bansa.

“Naniniwala ako na sa insentibo at hakbang na ito ay mapagyayaman ng ating graduates ang kanilang lupain dahil ito ay magsisilbing ‘farm laboratories’ nila kung saan magagamit nila ang mga teorya at ang magagandang kasanayan na kanilang natutunan sa mga paaralan ay mapakikinabangan naman ng milyong Filipino dahil sa kasiguruhan ng ating mapagkukuhaan ng pagkain,” pahayag ni Castriciones.

Salig ang naturan sa Executive Order 75, s. 2019 ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagpapabilis ng repormang agraryo, gayundin ng pamamagi ng lupa sa mga Filipino alinsunod sa Comprehensive Agrarian Reform Program.

Nagpasalamat si Lal-lo Mayor Florence Oliver Pascual sa pamunuan ng DAR para sa mabilis na turnover ng CLOAs.

Pinaalalahanan naman niya ang mga benepisyaryo na alagaan ang lupa at gamitin ito para sa ikauunlad ng bayan, ng rehiyon, at ng buong Filipinas.

“Kayo po ay napakasuwerte dahil alam naman natin na hindi lahat ng graduates ay magkakaroon ng pagkakatoan ng mabigyan ng sariling lupa na sasakahin.

“Ang challenge na hinihingi ko sa inyo ay gamitin natin nang tama ang mga natanggap na tulong mula sa gobyerno. Ngunit ang obligasyon ninyo ay magsisimula pa lamang upang ipakita na kayo ay karapat-dapat makatanggap ng lupang ito. Sana ay inyong pagbutihin at palaguhin pa itong mga lupang ibinigay sa inyo nang sa gayon ay makita natin na tayo ay talagang kaisa ng programa ng DAR,” mensahe ni Pascual sa mga benepisyaryo.

Pawang mga mag-aaral ng Cagayan State University ang mga nakatanggap ng CLOAs.

Sila ay kinilalang sina Adones Ohayas, Alvin Agcaoili, Analyn Bugnalon, Angelica Adatan, Angelito Vagay Jerome Usabal, Fernando Rabut, Gilmar Jay Acebedo, Hener Ribis, Jarren Ador Raquepo, Jemimah Guzman, Juanito Agluba Jr.,Julius John Dela Cruz, Karen Grace Justo, Leonardo Sumauang, Manuel Kristo, Marife Allag, McReymart Rabut, Melissa Joy Israel, Murphy Maingag, Noel Compra,, Pauline Ordillo, Rica Enorme, Roshel Torrena, Ryan Paul Uson, Sherwin Ramos, Vanessa Gacusan, Vanessa Usabal, Victorino Lagudoy, at Welfredo Gacusan Jr.