99.37% ACTIVITY SHEETS COMPLETION? SAAN KUMUHA NG DATOS ANG DEPED? — TEACHERS
INIULAT ng Department of Education noong nakaraang linggo na 99.37 porsiyento ng mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan sa Filipinas ang nakapagsumite na ng kumpletong learning activity sheets para sa unang markahan.
Batay ito sa pinagsama-samang datos ng regional at division offices nitong buwan ng Enero.
Ayon sa Education Curriculum and Instruction unit, sa 20,985,217 enrolled public students, 133,374 o 0.63 porsiyento lamang ang hindi pa nakapagpapasa ng mga gawaing pang- akademiko.
Sa katunayan, 100 porsiyentong kumpleto ang gawain ng mga mag-aaral mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at National Capital Region. Ayon pa sa DepEd, ‘almost completely finished’ na rin ang sa iba pang mga rehiyon sa bansa.
Sa likod ng tila ‘good news’ ay nagsulputan ang hinaing ng mga guro at ang lahat ay pawang nagsasaad ng kabalintunaan.
Isang meme ukol dito ang ipinaskil ng Facebook page na KAPEdukasyon ni Teacher John Paul Luana na umani ng samu’t saring reaksiyon.
“Sa true lang tayo, DepEd! Pero sige, mangungulit pa kami ng mga bata at magulang para ma-reach natin ‘yang 99.37% ninyo,” deskripsiyon ng meme na tila nagsasabing hindi totoo ang naturang ulat.
Sabihin pa nga na ‘bungi-bungi’ ang class records ng mga guro dahil maraming mga estudyante na hanggang ngayo’y hindi pa rin nagpapasa ng activity sheets.
“Jusme, sobra po hirap ng online class. Alam nating lahat na kalokohan lang ‘yan ng DepEd. Huwag na tayong maglokohan. Pls langggggg!!!!,” komento ni Ma Regina Dominguez.
“Kaya may shortage ng mga doctor laban sa Covid kasi nasa DepEd na sila haha charrot,” sabi naman ni Jefferson Dela Cruz na animo’y nagtataka rin sa kinalabasan ng mataas na datos ng kagawaran.
Sa kabilang banda, sa shared post ni Luisito Duata Blanco, nakasulat na kaya posibleng umabot sa 99 porsiyento ang ulat ay sapagkat mayroon pa ring marka ang mga bata kahit na wala naman itong isinusumite.
“No output – 75. 1 output – 76. 2 output – 77. Paanong ‘di magiging 99% iyan?,” ayon kay Blanco.
Malimit na tanong ng mga gurong nakabasa ng ulat ng DepEd, “Saan kumukuha ng data?”
Sa Pagsusumite at Pagmamarka
Ang Learning Activity Sheets ay lingguhang ginagawa ng mga mag-aaral sa distance learning modality. Ang mga guro ay naghahanda ng weekly learning plan, habang ang mga bata’y sumasagot ng LAS.
May template na sinusundan ang mga pampublikong paaralan para rito na ayon sa DepEd ay nakabatay sa Most Essential Learning Competencies na angkla sa implementasyon ng Basic Education Learning Continuity Plan sa panahon ng Covid19 pandemic.
Ang mga LAS ay kinakailangang ipasa sa pagtatapos ng bawat markahan para matsek at mamarkahan ng mga guro.
Subalit, ngayong natanggap na ng mga paaralan ang LAS ng mga bata para sa unang marakahan, kabaligtaran ng inaasahang resulta ang sumambulat sa kanila. Napatunayang maraming mga bata ang hindi nakapagsumite ng gawain o sadyang wala talagang ginawang akademikong aktibidad sa likod ng pagtanggap ng kumpletong materyales.
May mga gurong hindi napapagal sa pagpapaalala sa mga bata. Ang iba pa nga’y nagsasagawa ng mga house-to-house visitation at regular na palitang-mensahe sa Facebook Messenger. Gayunpaman ay mayroong substansiyal na bilang ng ‘di pagpasa ng mga gawain at para sa mga guro ay marapat na bigyang-pansin.
“Lahat ng pangungulit ginawa na,” sabi ni Jacob Cristopher Lucido sa isang social media post.
Pero sa kabila nito, dagdag ng ‘di nagpakilalang guro, “wala pa ring nakapagpasa.”
“46 porsiyento pa lamang ang rekord ko. Saan kaya nila nakuha data nila,” wika ng isa.
“Sa akin ata galing ‘yung 0.63% na kulang ah. Wala pa akong napapasa, e,” pabirong tugon ng isang kinapanayam na guro.
Komong mensahe ng mga pampublikong guro ang labis na hirap ng patuluyang pag-aaral sa panahon ng pandemya, lalo pa’t hindi nila aktuwal o personal na natututukan ang mga estudyante sa paggawa ng mga aktibidad.
Sa isang banda, naiintindihan nila ang kulang-kulang na submisyon o ang talagang hindi pagsusumite ng ilan. Pero ang pagluluwal ng ‘di makatotohanang’ datos at pagsasabing tagumpay ang distance learning kahit hindi ang pinagtatakahan nila.