NAPOLCOM: ACADEMIC FREEDOM SA MGA ISKUL MANANATILI
WALANG epekto sa academic freedom ang presensiya ng mga pulis at militar sa mga school campus, partikular sa University of the Philippines at Polytechnic University of the Philippines, ayon kay National Police Commission Vice Chairman Vitaliano Aguirre.
Ang pagtukoy ni Aguirre sa dalawang state universities ay kasunod ng matinding pagtutol ng mga ito sa termination ng 1989 UP-DND Accord. Nagpahiwatig din si Aguirre na posibleng putulin na rin ng Department of the Interior and Local Government ang kasunduan sa UP noong 1992 sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Sinabi ng Napolcom official na walang masama sakaling magronda ang pulisya at militar sa bisinidad ng mga paaralan dahil mandato lamang ng mga ito ang panatilihin ang katahimikan, maitaboy ang masasamang elemento at rumesponde kung may krimen.
Pinaliwanagan din niya ang mga kontra sa pagkansela ng UP-DND deal at sinabing walang koneksyon sa academic freedom ang paglusaw sa 32-taong kasunduan na ‘no troops, no cops’ sa mga campus ng unibersidad.
“I don’t believe that academic freedom is at stake here, you know for a fact naman na even before mayroon ding mga crime na mangyayari sa loob mismo ng UP pero hindi makapasok ang pulis gawa nga ng kasunduang iyon,” pahayag ni Aguirre.
Panawagan ni Aguirre sa mga mag-aaral at maging sa mga propesor ng UP at PUP na huwag masamain kung makapasok ang mga pulis at sundalo sa kanilang campus at pinawi rin ang pangambang mapakialaman ang kanilang academic freedom dahil hindi ito ang kanilang pakay kundi ang kaligtasan ng lahat.
“Mananatili ang academic freedom ng UP, PUP at iba pang unibersidad kahit pa makansela ang kasunduan,” sabi ni Aguirre.