Nation

P8.9-B AYUDA SA EDUCATION SECTOR LUSOT SA BAYANIHAN 2 SA KAMARA

/ 11 August 2020

KABUUANG P8.9 bilyong ayuda para sa education sector ang inilaan sa ilalim ng proposed Bayanihan to Recover As One Act sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa botong 242 pabor at 6 na kontra, aprubado na sa 3rd and final reading ang panukala na naglalaan ng P162 bilyon para sa mga hakbangin sa paglaban sa Covid19 pandemic.

Katulad ng bersiyon sa Senado, inaprubahan sa Kamara ang paglalaan ng P3 bilyon para sa state universities and colleges, partikular para sa development ng smart campuses sa pamamagitan ng investment sa Information and Communications Technology infrastructure at pagbili ng learning management systems.

Magkatulad din ang bersiyon ng dalawang kapulungan sa paglalaan ng P1 bilyon para sa karagdagang scholarship fund sa Technical Education and Skills Development Authority para sa training for work at special training for employment program na sasaklaw rin sa overseas Filipino workers  na nawalan ng trabaho.

May inilaan din ang Kamara na P4 bilyon para sa Department of Education na gagamitin sa implementasyon ng digital education at pagsasaayos ng digital infrastructure para sa alternative learning modes ng pag-aaral.

Samantala, kasama rin sa inaprubahang panukala ang P600 milyong subsidiya at allowance para sa mga kwalipikadong estuyante sa private at public elementary, secondary at tertiary education na ang pamilya ay hindi kasama sa listahan ng Department of Social Welfare and Development o sa Tertiary Education Subsidy.

Mayroon ding nakapaloob sa panukala na P300 milyon para sa subsidiya at allowance para sa mga teaching at non teaching personnel, kabilang na ang part time faculty members sa private at public elementary, secondary at tertiary education institutions na naapektuhan ng pandemya.

Nakasaad din sa panukala ang pagkakaloob ng libreng masustansiyang pagkain sa mga undernourished na estudyante,  gayundin ang loan assistance, subsidies, discounts o grants sa mga paaralan, unibersidad, kolehiyo, at technical-vocational institutions.

Inaasahan naman na sa loob ng linggong ito ay magsasagawa ng bicameral conference commitee meeting ang Kamara at Senado upang plantsahin ang mga probisyon na magkaiba sa kanilang mga bersiyon  ng panukala.