Region

LA FORTUNA ELEM SCHOOL SA BUKIDNON BENEPISYARYO NG ‘BISAYA GYUD’ PROGRAM

/ 29 January 2021

ISA ang La Fortuna Elementary School sa Impasug-ong, Bukidnon sa mga paaralang natulungan ng ‘Bisaya Gyud’ program sa pagpapatupad ng distance learning modality sa panahon ng Covid19 pandemic.

Ang “Bisaya Gyud’ ay ang lingguhang programa ng Presidential Communications Operations Office. Orihinal na layon nito ay ang pagtulong sa mga Bisaya overseas Filipino worker na na- repatriate dahil sa pagbagsak ng ekonomiya dulot ng pandemya. Subalit dahil sa nakikinita rin ng PCOO na maraming mag-aaral ang nangangailangan ng tulong ay napagdesisyonan nilang simulan ang paglawak ng programa hanggang sa mga pampublikong paaralang nasa Kabisayaan.

Tinawag nila ang student program sa pangalang ‘Operation Tabang’ na namimigay ng dose- dosenang reams ng bond papers na magagamit sa pag-iimprenta ng self-learning modules.

Labis ang galak ni La Fortuna ES School-in-Charge Nicodemus Oculares nang mapili ng Bisaya Gyud ang paaralang kaniyang pinangangasiwaan.

“Nagapasalamat ako sa ‘Bisaya Gyud’ program na sa taliwala man sa kadaghan sa mga tulunghaan nga nahisakop ani nga division, usa kami na napili nga recipient sa gasa sa pagpanghatag ug bond paper,” wika ni Oculares.

Gaya niya’y nagpapasalamat din ang mga guro sa mababang paaralan.

Kuwento ni Teacher Jessebel Cabugwason, mayroon siyang mga estudyanteng sabik na sabik mag-aral kahit may krisis sa Filipinas subalit hindi niya matugunan ang mga pangangailangan nito dulot ng karahupan sa pag-iimprenta ng mga module. Kung kaya ang ‘Bisaya Gyud’ program ay nakatulong nang malaki sa kaniyang pagtuturo.

Mapakikinggan ang ‘Bisaya Gyud’ program  tuwing Sabado sa www.facebook.com/bisayagyudph. Maaaring tumutok ang sambayanan para malaman ang mga kuwento ng tagumpay ng mga Bisaya, maging ang pagtatampok ng kanilang makulay na kultura.