Nation

PAGKANSELA SA DND-UP ACCORD PINAREREBYU NG SENADO

/ 27 January 2021

PINAGTIBAY ng Senado ang isang resolution na humihiling sa Department of National Defense na repasuhin ang desisyon nitong kanselahin ang kasunduan nito sa University of the Philippines.

Sa kanyang sponsorhip speech sa Senate Resolution 616, sinabi ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na welcome sa kanila ang desisyon ng DND na sagutin ang panawagan para sa dayalogo sa UP kaugnay sa termination ng kasunduan.

“Anak ng pakikibaka ang UP-DND Accord, hindi ito anak sa buho. At mabuting anak ang UP-DND Accord. Nagsilbing proteksiyon ang mga probisyon nito para sa lahat ng stakeholder ng pamantasan. Kaya gusto nating i-institutionalize ito sa UP Charter at gawin ding batas para sa lahat ng mga SUC sa buong bansa,” pahayag ni Pangilinan.

“Akbista ako noong estudyante ako sa UP. Martial Law noon, at maraming kalayaan ang sinupil. Nilabanan natin ang pang-aabuso sa kapangyarihan. Kaya ang mga kalayaang ine-enjoy natin ngayon, dapat mas marami pa ang mag-enjoy,” diin ni Pangilinan.

Samantala, nag-abstain sa adoption ng resolution si dating PNP Chief at ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at muling iginiit ang kanyang pagsuporta sa pagkansela sa kasunduan.

Sinabi ni Dela Rosa na pangunahing tungkulin ng militar at sundalo na protektahan ang kabataan mula sa panghihikayat ng komunistang grupo.

Binigyang-diin pa ng senador na matagal nang naabuso ang kasunduan kaya marami ang malayang nakapagre-recruit mula sa mga estudyante ng UP.

Samantala, sumuporta naman si Senador Koko Pimentel sa panawagan para sa dayalogo kasabay ng payo sa militar na sa halip na tutukan ang sinasabing mga lugar ng recruitment ay dapat alamin ng mga sundalo kung bakit may mga estudyanteng nahihikayat sa kilusan.

Sinabi ni Pimentel na posibleng nahihikayat ang kabataan dahil sa matinding inequality at injustice na nagiging dahilan ng kanilang pagkadismaya.

Iginiit naman ni Senador Joel Villanueva na maraming bagay na maaaring makuha ang pagkakaisa ng mga sundalo at mga estudyante.

Ayon kay Villanueva, kung kinakailangang bumalangkas ng DND-UP accord version 2.0 o pindutin ang reset button ay kanila itong susuportahan.

Binigyang-diin pa ni Villanueva na ang UP ay public space para sa malayang palitan ng mga ideya.