‘DOWNGRADING’ NG MINDANAO STATE UNIVERSITY PINALAGAN
TINUTULAN ng mga opisyal ng Mindanao State University ang panukala ni Maguindanao 2nd District Rep. Esmael ‘Toto’ Mangudadatu na alisin sa kanyang probinsiya ang Maguindanao campus at graduate school campus ng naturang unibersidad.
Sa House Bill 6896, isinusulong ni Mangudadatu na magtayo ng Maguindanao State University at isama rito ang Mindanao State University Maguindanao campus, Mindanao State University – Graduate School Maguindanao campus, UPI Agricultural School at University of Southern Mindanao Buluan extension campus.
Sa pagdinig ng House Committee on Higher and Technical Education, tinawag ni Dr. Bai Soraya Sinsuat, Chancellor ng MSU Maguindanao, ang panukala na hindi makatarungan at hindi patas.
“As part of MSU system it has already reached the status and prestige of national university. The bill will downgrade rather than upgrade the status of national university and would inevitably be disadvantageous to constituents and stakeholders of university,” diin ni Sinsuat.
Ipinaliwanag pa ni Sinsuat na mula sa iilang programa, nasa 21 baccalaureate degree na ang ibinibigay ng MSU Maguindanao bukod pa sa siyam na programa para sa graduate school at sistema sa junior at senior high school.
Iginiit pa niya na sa halip na tapyasin ang sistema, mas makabubuting isulong ang pagpapalakas pa ng MSU bilang isang world class university.
Tinutulan din ng Commission on Higher Education ang panukala at iginiit na sa halip na magtayo ng hiwalay na state university sa Maguindanao, mas makabubuting dagdagan ng suporta ang kasalukuyang SUC para makapagbukas pa ng mga bagong campus.
Gayunman, kung aaprubahan ng komite ang panukala, iginiit ng CHED na dapat ang itatayong higher educational institution sa Maguindanao ay magsimula sa College level sa halip na unibersidad.
Dahil sa mga pagtutol, nagdesisyon ang komite na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go na ipagpaliban ang pag-apruba sa panukala.