Nation

NEGOSASYON SA KINANSELANG DND-UP ACCORD UUPUAN NA

/ 25 January 2021

PUMAYAG na si Defense Secretary Delfin Lorenzana  na humarap kay UP President Danilo Concepcion upang pag-usapan ang kinanselang kasunduan ng Department of National Defense at ng University of the Philippines.

Sa isang panayam, sinabi ni Lorenzana na posibleng ngayong linggo ay makipag-usap siya kay Concepcion.

Inamin ng kalihim na ilang nirerespetong personalidad ang nagkumbinsi sa kanya na makipagdayalogo sa UP president para talakayin ang nasabing kasunduan.

Gayunman, hindi idinetalye ni Lorenzana ang eksaktong petsa at venue ng kanilang magiging dayalogo ni Concepcion.

“I have asked a friend to facilitate my meeting with Atty. Concepcion sometime next week,” ayon kay Lorenzana.

Magugunitang umapela si Concepcion sa DND na i-reconsider at bawiin ang pagkansela ng 1989 accord na nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok sa campus kung walang pasabi o pahintulot upang hindi masagkaan ang academic freedom ng mga mag-aaral.

Sa isang pahayag, sinabi ni Concepcion na nagdulot ng pagkalito ang desisyon ng DND habang tumugon naman si Lorenzana na dapat ipaliwanag ng UP kung bakit may mga namatay na estudyante sa operasyon ng militar laban sa New People’s Army bago siya pumayag sa isang dayalogo.