CAVITE STATE U MAY BAGONG VP FOR RESEARCH AND EXTENSION
MAGLILINGKOD si Dr. Melbourne Talactac bilang bagong Vice President for Research and Extension ng Cavite State University mula Enero 2021 hanggang Disyembre 2022.
Ito ay ayon sa ulat ng CvSU at sa pagbati ng University of the Philippines Venerable Knight Veterinarians Fraternity, ang organisasyong kinabibilangan ng bagong VP.
Si Talactac ay dati nang naglingkod bilang Dekano ng CvSU College of Veterinary Medicine and Biomedical Studies hanggang 2020.
Bilang beterinaryo, guro, at mananaliksik, siya ay nakatanggap na ng samu’t saring parangal gaya ng Most Outstanding Veterinarian in Education mula sa Philippine Veterinary Medical Association.
Kinilala rin siya bilang Outstanding Young Scientist of 2020, dahilan para mapabilang sa mga nominado ng 2020 Asia-Pacific Economic Cooperation Science Prize for Innovation, Research, and Education.
Noong 2012, sa unang beses na pagkuha ng pagsusulit ay nakamit niya ang ika-9 na puwesto sa Philippine Veterinary Medicine Licensure Examination ng Professional Regulation Commission.
Samantala, nagtapos si Talactac ng Master of Science in Veterinary Medicine major in Preventive Medicine sa Chungnam National University/ Republic of Korea bilang Laboratory of Infectious Diseases Scholar.
Ang kanyang Doctor of Philosophy in Veterinary Medicine major in Veterinary Virology digri naman ay nakamit mula sa United Graduate School of Veterinary Science Yamaguchi University-Japan bilang iskolar ng MEXT at batay sa kasaysayan ay ang unang Filipino na nakatapos ng doktoradong digri na may Presidential Distinction bilang Class Valedictorian.
Ginagamit ngayon ni Talactac ang angking galing sa mga pananaliksik na may kinalaman sa plant extracts, natural substances and synthetic peptides, vaccine production against Influenza A virus sa mga daga, at ebalwasyon ng innate immunity ng mga manok at daga sa toll-like receptor 4.