PAG-IIMPRENTA NG SELF-LEARNING MODULES SAGOT NG SOUTHERN LEYTE GOV’T
TULOY-TULOY pa rin ang suporta ng Panlalawigang Pamahalaan ng Southern Leyte sa Department of Education sa layon nitong mapabilis ang pag-iimprenta at pamamahagi ng self- learning modules sa mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya.
Ngayong taon ay pakikinabanagan na ng 23 Schools Division Offices ang bagong sets ng mga donasyon ng Southern Leyte LGU para sa ikabubuti ng pag-aaral ng mga batang Leytenon.
Ito ay matapos na mai-turn over ni Sangguniang Panlalawigan Member at Committee on Education Chair Atty. Teofisto Rojas ang 1,700 reams ng F4 bond papers, computer sets, printing and photocopying machines, at academic supplies sa SDOs.
Sa isang panayam, sinabi ni Rojas na nasa P15 milyon ang kabuuang halaga ng mga kagamitan na tinustusan mula sa Special Education Fund at Unexpended 2015-2018 Balances ng Committee on Appropriations.
“These equipment will aid our educators to efficiently produce modules and other teaching materials not only during this pandemic but for years to come,” mensahe ng SP Member sa Facebook.
“The governor gave an assurance that the provincial government will prioritize quality education amidst the Covid19 pandemic,” dagdag pa niya.
Batay sa pinakahuling ulat, minamadali na ng DepEd Southern Leyte ang pag-iimprenta ng SLMs upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang hay-iskul. Anumang araw ngayong buwan ay maipamamahagi na ang lahat ng materyal pampagkatuto para sa ikalawang markahan.