Bulletin Board

BENGUET SPES TUMATANGGAP NA NG MGA APLIKANTE

/ 22 January 2021

Maaari nang magpasa ng aplikasyon ang mga mag-aaral na nagnanais maging bahagi ng Special Program for the Employment of Students sa Lalawigan ng Benguet, mula Enero 18 hanggang Pebrero 19.

Inanunsiyo ito kamakailan ni Benguet Governor Melchor Diclas sa Facebook.

Ang SPES ay ang youth employment-bridging program ng DOLE sa pakikiisa ng mga panlalawigang pamahalaan sa Filipinas na may layuning maghatid ng pansamantalang hanapbuhay sa mga mahihirap na mag-aaral, out-of-school youth, at iba pang kabataang nangangailangan ng pinansiyal na tulong. Sila ay pinangangasiwaan ng Public Employment Service Offices ng mga pamahalaang panlunsod at pambayan.

Ayon kay Benguet PESO Head Julie Tabcao, dahil sa Covid19 pandemic, ang mga aplikante ay nararapat na mayroong edad 20 hanggang 30 at kasalukuyang naka-enroll sa hay-iskul, kolehiyo, o technical-vocational programs.

Ang taunang kita ng mga pamilya’y hindi rin dapat tataas sa regional poverty threshold na isinet ng National Economic Development Authority. Ito ang natatangi nilang sukatan ng ‘indigency’ para sa SPES.

Pabatid din ni Tabcao na 167 mag-aaral at OSYs ang target nilang maging benepisyaryo ng programa. Sila’y magtatrabaho sa loob ng 30 araw at sasahod gaya ng regular na empleyado.

Magpadala lamang ng mensahe sa PIO Benguet EOC Facebook page para sa mga katanungan at karagdagang impormasyon.