Nation

UP CHARTER PINAAAMYENDAHAN NG MGA SENADOR

/ 21 January 2021

ITINUTULAK ng apat na senador ang pag-amyenda sa charter ng University of the Philippines upang bigyang-diin ang academic freedom.

Ang Senate Bill 2002 ay inihain nina Senators Joel Villanueva, Sonny Angara, Nancy Binay at Grace Poe kasunod ng unilateral termination ng 1989 UP-DND accord.

“The UP-DND accord is not a ‘do not enter’ sign that bars law enforcement from entering the campus. It is not a wall which obstructs justice or deters the solution or prevention of crime,” pahayag ng mga senador sa kanilang explanatory note.

Ipinaalala pa ng mga mambabatas na maraming iba pang mahahalagang isyu ang dapat na kinakaharap ng militar at pulis tulad ng West Philippine Sea dispute, tumataas na krimenalidad dahil sa Philippine Offshore Gaming Operations, extrajudicial killings at marami pang iba.

Alinsunod sa panukala, aamyendahan ang Republic Act 9500 o ang UP Charter of 2008 at isasama ang mga probisyon na kinakailangan ng koordinasyon sa UP administration bago pumasok ang mga pulis at military unit sa kanilang campuses.

Ipinalalagay rin ang probisyon na walang miyembro ng AFP, PNP at iba pang law enforcement agencies ang papasok sa UP campuses maliban lamang sa mga hot pursuit operations at emergencies.

Nakasaad din sa panukala ang mga limitasyon sa pag-aresto, pagkulong at custodial investigations sa sinumang estudyante o miyembro ng faculty o personnel ng UP.

Nais din ng mga senador na maisama sa UP charter ang probisyon para pagbawalan ang mga miyembro ng AFP, PNP at iba pang law enforcement agencies na manghimasok sa mga mapayapang protesta sa mga campus ng UP.

“Let us nurture our youth’s passion for political and social causes; and prevent any attempt to take away these long-cherished values. It is our hope that this proposed measure will continue to foster their traditions of the country’s premier state university,” dagdag pa ng mga senador.